VP Leni: Agri sektor ang number one sa pagbibigay ng trabaho
Sabi ni Vice President Leni Robredo, kandidato sa pagka-Pangulo, nitong Lunes, ika-29 ng Nobyembre, na ang sektor ng agrikultura ay makapagbibigay ng maraming trabaho kung ito ay tutukan at pauunlarin ng pamahalaan.
“Agriculture is the number one employment opportunity giver kapag inasikaso lang natin,” sabi ni Robredo sa AGRI 2022 Online Forum.
“Ang ating pag-asa talaga agriculture, kasi iyon talaga iyong pinagkukunan ng kabuhayan ng marami. Kung tututukan lang natin, maraming mga Pilipino iyong maaalis sa poverty level,” dagdag niya.
Ipinaalala ni Robredo na noong 2020 – ang unang taon ng pandemya – nanatiling matatag ang sektor at lumago noong gitnang anim na buwan ng taon.
Tinalakay sa forum, na tumagal nang isang oras, ang mga isyu na nakaapekto sa kinabukasan ng agrikultura. Kasama sa panel bukod kay Robredo sina dating Agriculture Secretary Leony Montemayor, na ngayon ay pinuno ng Federation of Free Farmers; Ernesto Ordoñez, dating Agriculture and Trade and Industry undersecretary; Danny Fausto, pinuno ng Agri-Business—Philippine Chamber of Agriculture and Food; Emil Javier, president at chairman ng Los Baños Coalition for Agriculture Modernization in the Philippines; at Hazel Tanchuling, executive director ng Rice Watch Action Network.
“We want to thank you, Vice President Robredo, because you not only showed us your direction, you showed us the detail in the direction because of your actual experience with poor farmers and fisherfolk,” sinabi ni Ordoñez sa Bise Presidente.
Matagal nang nakatrabaho ni Robredo ang mga magsasaka at mangingisda bilang isang volunteer na abogado ng NGO na Sentro ng Alternatibong Lingap Panlegal (Saligan).
Inalala ni Robredo ang kanyang karanasan sa mga sektor na ito, at sinabing, “Pero iyong experiences na iyon, doon ko naramdaman na mas malalim talaga iyong issues na kinakaharap. Ang naramdaman ko
lang doon, kulang ng empathy iyong maraming policies na ginagawa natin. Hindi lang iyong kung papaano pinapasa iyong batas pero kung papaano din siya ini-implement at saka ino-operationalize.”
Sinabi din ni Robredo na nuong sya ay Kongreso at ngayon sa Office of the Vice President, nakatutok ang kanyang staff sa mga pinakamaliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang mag-organisa at pagsisimula ng mga programa na makakatulong sa kanila na pagbutihin ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay Robredo, bagamat may mga magagandang plataporma ang mga kandidato bawat eleksyon, ang mahalaga at pinakamalaking pagsubok ay ang pagpapatupad ng mga ito. Dito niya binigyang-diin ang pangangailangan para sa isang pinuno na kasali sa implementasyon ng mga polisiya.
“Kailangan talaga tutok. And dito pumapasok iyong importance ng empathy. Dito pumapasok iyong importance ng lalim ng understanding ng plight ng tinutulungan. Kasi implementing programs is one thing, pero making sure that you hit your targets is another,” sabi niya. Dagdag pa ni Robredo:
“Para sa akin, kailangan sana na iyong benchmarks natin kung papaano bumubuti iyong buhay ng magsasaka.”
Ayon kay Robredo, gusto pa niya lalong makipag-ugnayan at matuto pa ng mga bagay patungkol sa agrikultura, dahil sa mga oportunidad na kayang ibigay nito sa taumbayan. Sinabi din niya na ang isang Pangulo ay dapat kayang maglatag ng mga mekanismo na magbibigay ng pagkakataon na maging bahagi ng pamamahala ang mga taong direktang bahagi ng sektor.
“I think iyon iyong pinakasusi for us to move forward as far as the sector is concerned,” sabi ni Robredo. (end)