UniTeam lalagyan ng pondo, itutuloy ang natigil na CHED scholarship program

NANINDIGAN sina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at ang kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte na ibabalik ang scholarship program ng Commission on Higher Education (CHED) na sinuspinde dahil sa kakulangan ng pondo sakaling manalo sila sa darating na 2022 national elections.

Tumugon ang UniTeam bets sa pahayag ng CHED kamakailan na nagsasabing pansamantalang sinususpinde ang CHED Scholarship Program (CSP) para sa mga first-year college students ngayong Academic Year (AY) 2022-2023.

“The UniTeam stands firm in its belief that investing in the education of our youth should be a priority.  As such, the CSP is one program that we are keen on restarting if given the opportunity to serve by our people,” sabi ng UniTeam.

Ang pagsuspinde ay “offshoot ng budget inadequacy” sa Fiscal Year 2022 budget ng komisyon para sa Student Financial Assistance Programs (StuFAPs), ayon sa pahayag ng CHED nitong Pebrero 21, 2022.

Bagama’t ang sektor ng edukasyon ang nakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng P5.02-trilyong pambansang badyet para sa 2022, na P788.52 bilyon, ang alokasyon ng CHED ngayong taon ay P31.68 bilyon lamang, bumaba mula sa P50.51 bilyon kumpara noong nakaraang taon.

Binigyang-diin nina Marcos at Inday Sara ang kahalagahan ng pagpapanatili ng edukasyon ng mga iskolar ng CHED dahil may potensyal silang maging eksperto sa kani-kanilang larangan na makakatulong sa bansa.

“We need to invest more in the education of our youth, not less.  Instead of them being the first in line to sacrifice in these budget cuts, let us make sure that we have adequate funding to sustain their studies because from their midst will come our future experts and leaders,” ayon pa sa  UniTeam.

“We remain committed to continuing President Duterte’s Build, Build, Build program.  On top of this, we will implement a robust digital infrastructure program that would support the digital shift in education and commerce,” giit pa ng UniTeam.

Ang CSP ay isang merit-based na programa na naglalayong tulungang makapag-aral ang mga kapus-palad, walang tirahan, mga taong may kapansanan (PWDs), solong magulang at kanilang mga dependent, mga senior citizen, at mga katutubo.

Ang pinansiyal na tulong na ibinibigay ng CSP ay sumasaklaw sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, at ang mga stipend ay direktang ibinibigay sa mga iskolar o sa mga higher education institutions (HEIs) kung saan sila nag-aaral.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin inaanunsyo ng CHED ang kabuuang bilang ng mga iskolar na maaapektuhan ng suspensiyon ng CSP. ###

PRESS RELEASE