Unang MarSU Creative Writing Workshop, idaraos bago ang Semana Santa ngayong Buwan ng Panitikan

Unang MarSU Creative Writing Workshop, idaraos bago ang Semana Santa ngayong Buwan ng Panitikan

Boac, Marinduque – Ang Marinduque State University (MarSU) Litera Club ay magdaraos ng 1st Creative Writing Workshop sa Abril 11 at 12 sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan at bahagi ng Kuwaresma sa puso ng kapuluan.

Ayon sa MarSU Litera Club, “Bilang ang Abril ay Buwan ng Literature, amin kayong inaanyayahang makibahagi sa 1st MarSU Creating Writing Workshop: Bulong ng Lupain, Kwento ng Baybayin na gaganapin sa darating na Abril 11-12. Kahit sino, pwede dahil pagtitipong ito ng mga manunulat at gustong matutong sumulat!”

Sinipi ng nasabing grupo ang sinabi ng historyador, “Ang panitikan ay hindi sarili ng iilang tao lamang; yao’y pag-aari ng sinomang may tapat na pagnanasang maghain ng kanyang puso, diwa’t kaluluwa alang-alang sa ikaluluwalhati ng sangkatauhang kinabibilangan niya.” Teodoro Agoncillo.

Ang mga tunguhin ng palihan ay ang makagawa ng plataporma para sa mga malikhaing manunulat sa Marinduque, mapalago o mapatatag ang pampanitikang larang upang mapanatili ang lokal na kultura, naratibo at kwentong bayan. Sa huli, ang palihan ay para sa iba-ibang pampanitikang istilo o malikhaing pagkukwento uli ng mga naratibo, oral na tradisyon at kaugaliang Marinduqueño.

Kilala ang Marinduque hindi lamang sa pagiging puso ng pilipinas o geodetic na sentro ng kapuluan, kilala rin ang hugis pusong isla sa tradisyon ng Mahal na Araw kagaya ng Moryonan, Tubong at Kalutang. Hinihikayat ang mga umuusbong na manunulat o mapasama sa bagong parnaso ng sulatin gamit ang limbag at iba pang makabagong teknolohiya sa kasalukuyan.

Ang dating Marinduque State College Litera Club ay accredited na organisasyon ng MarSU Vice President for Student Affairs and Services. Naitatag ito buhat pa noong 2008 at nagkaroon na ng ilang antolohiya ng malikhaing pagsulat kagaya ng “Balangaw,” “maLIKHAin” at “Likhai – ire mandin ay sining ng Marinduque.”  # Randy T. Nobleza Ph. D.

PRESS RELEASE