Talaang Ginto: Makata ng Taon 2021, bukás na sa mga lahok
By KWF
LUNSOD NG MAYNILA, Pebrero 19 — Ang Talaang Ginto: Makata ng Taon ay timpalak sa pagsulat ng tula na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing Ika-2 ng Abril taon-taon.
Nilalayon ng timpalak na lalo pang pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino.
1. Ang Talaang Ginto: Makata ng Taón ay isang patimpalak sa pagsulat ng tulâ na itinaguyod ng KWF na naglalayong pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilála sa mga batikan at baguhang talino at tinig sa sining ng tulâ.
2. Bukás ang timpalak sa lahat, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.
3. Ang entring ipapása ay maaaring isang mahabàng tulâ na may isang daan (100) o higit pang taludtod, o isang koleksiyon ng sampu (10) o higit pang maikling tulâ. Kinakailangang may pamagat ang ipapásang koleksiyon. Malayà ang paksa ngunit kailangang tumatalakay sa isang mahalagang paksaing panlipunan sa kasalukuyan. Maaari ding ialinsunod ang kalipunan ng mga tulâ sa tema ng pagdiriwang ngayong taón ng Buwan ng Panitikan na, “Limandaang Taón ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino” (500 Years of Writing the Filipino World). Ang ipapásang mahabàng tulâ o maiikling tulâ ay malayà (walâng tugma at súkat).
4. Ang lahok ay kailangang orihinal at nasusulat sa Filipino, hindi salin ng nalathala nang tulâ, at hindi pa nalalathala sa alinmang publikasyon. Ang sinumang mahúli at mapatunayang nagkasála ng pangongopya ay kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nitó sa timpalak at hindi na mulîng makasasáli pa sa alinmang timpalak ng KWF.
5. Pára sa onlayn na paglahok, ihanda ang sumusunod:
• Kopya ng kompiyuterisadong lahok (.doc format). Gagamitin ang font na Arial 12 pt, single spaced sa A4 size (bond paper) na may palugit na isang (1) pulgada sa itaas, ibabâ, at gilid. Kung makinilyado ang lahok, i-scan at isumite na naka-pdf format.
• Kinakailangang magtataglay lámang ng sagisag-panulat (pen name) at walâng kahit anong pahiwatig ng tunay na pangalan ng kalahok.
• Kasáma ng lahok, isumite ang sumusunod na naka-pdf format: (1) notaryo na nagpapatunay na orihinal ang lahok (2) entri form http://kwf.gov.ph/…/entri-form-talaang-ginto-2021.pdf; (3) curriculum vitae at/o bionote ng makata; at (4) 2×2 retrato ng kalahok (.jpeg format)
• Sagután ang pormularyo sa link na ito: https://forms.gle/AYRJd5gYZo2EWR3D7
6. Pára sa pagsusumite ng lahok sa pamamagitan ng koreo, ipapadalá ang sumusunod:
• apat (4) na kopyang makinilyado o kompiyuterisadong lahok. Gagamitin ang font na Arial 12 pt, single spaced sa A4 size (bond paper) na may palugit na isang (1) pulgada sa itaas, ibabâ, at gilid.
• Kinakailangang magtataglay lámang ng sagisag-panulat (pen name) at walâng kahit anong pahiwatig ng tunay na pangalan ng kalahok.
• notaryo na nagpapatunay na orihinal ang lahok
• entri form http://kwf.gov.ph/…/entri-form-talaang-ginto-2021.pdf
• curriculum vitae at/o bionote ng makata
• 2×2 retrato ng kalahok
• ipadalá ang lahok sa koreo sa:
Lupon sa Talaang Ginto 2021
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusali Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel
San Miguel, Maynila
7. Ang hulíng araw ng pagsusumite ng lahok ay sa 15 MARSO 2021, 5nh. Hindi na mauurong ang araw ng pagsusumite.
8. Pára lahok na ipinadalá sa koreo, magpapadalá ang KWF ng mensahe (text) kung natanggap na ang lahok. Kalakip din nitó ang gagamiting entri code at link ng online form pára sa registry ng mga kalahok. Bukás ang online registration form hanggang 16 MARSO 2021, 5nh.
9. Ang mga gantimpala ay ang sumusunod:
Unang gantimpala, PHP30,000 + titulong “Makata ng Taón 2021”, tropeo at medalya;
Ikalawang gantimpala, PHP20,000.00 at plake;
Ikatlong gantimpala, PHP15,000.00 at plake
10. Ang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na mababago.
11. Hindi patatawarin ang sinumang mahuhúling nagplahiyo. Kakanselahin ng KWF ang
ipinagwaging lahok at hindi na mulîng makasasáli pa sa alinmang timpalak ng KWF.
Pára sa karagdagang detalye, magt-text o tumawag sa 0928-844-1349, o mag-email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph. (KWF)