SWAB SWAP vouchers mas makatutulong sa mga negosyo para makarekober
Kambal na solusyon ang itinutulak ni Senador Imee Marcos para sabay na mapaigting ang Covid-19 testing program ng pamahalaan at maisulong ang business recovery sa bansa.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na parehong mapapakinabangan ng gobyerno, pribadong sektor, local government units (LGUs) at taumbayan ang Swab Swap program na “praktikal na pagkakitaan ng mga tao habang itinutulak na magamit ang iba’t-ibang produkto at serbisyo, kapalit ng pagpapa-swab.”
“Maganda ang food dole-outs. Pero bakit hihinto na lang sa ganon ang tulong gayong pwede naman itong mas mapalawak pa sa mga pagnenegosyo na kinakailangang manatiling bukas at makarekober?” ani Marcos.
Sa halip na food dole-outs, susubukan sa Swab Swap ang paggamit ng vouchers na may petsa kung kailan magagamit kapalit ng iba’t-ibang mga produkto at serbisyo, paliwanag ni Marcos, na inihalintulad ang kaparehong programa sa kanilang probinsya sa Ilocos Norte, kung saan nag-aalok din ng mga voucher para sa pagbiyahe at maging pamamasyal.
“Kumpara sa food dole-outs lamang, mas maraming naghihingalong negosyo ang malalaanan ng stimulus funding kung voucher ang gagamitin. Hindi rin ganun magiging ka-demanding ang gagawing pamamahagi ng mga voucher. Maaring i-iskedyul ito ng LGU sa kanilang swabbing program alinsunod sa family name, alphabetical at itinakdang oras para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao,” ani Marcos.
“Mas may appeal o pasok ang Swab Swap vouchers sa mga adbokasiya ng pribadong sektor at maging CSR (corporate social responsibility) programs nila para makakatulong sa gobyernong itaas ang testing rate,” dagdag ni Marcos.
“May hatid na pag-asa ang mga voucher. Tanda nang pagkakaroon ng mas mabuting hinaharap para sa atin,” dagdag ni Marcos. ###