Statement of Senator Hontiveros on alarming Anti-Crime Civilian Groups
MANILA – (June 28, 2021) – Tutol ako na armasan ang anti-crime civilian organizations. Nananawagan ako kay Chief PNP Eleazar na magdalawang-isip sa balak na yan ng administrasyon. Noong administrasyon ni Pnoy, hindi naman kinailangan ng santambak na police powers para mapanatiling mababa ang crime rate.
Sang-ayon ako sa Commission on Human Rights: may kaakibat na professional training ang pagdadala ng armas, lalo na kung tutugon sa mga sensitibong sitwasyon. Yun ngang mga pulis na sumailalim sa training, nakakapatay ng lola at bata, paano pa kaya yung mga nasa anti-crime civilian organizations na informal ang pagsasanay sa paghawak ng baril? Paano sila pananagutin?
As an institution, hindi dapat ina-outsource ng PNP ang kanilang pangunahing tungkulin na panatilihin ang peace and order sa ating mga pamayanan. Imbes na armasan, pag-ibayuhin dapat ang tulungan sa mga komunidad. Dapat mga pulis ang humanay at makibahagi sa mga mamamayan upang mas maunawaan ang pangangailangan ng isang lugar pagdating sa kaayusan. Yan ang totoong “force multiplier” effect.
Hindi rin maganda ang timing ng “suggestion” ng Palasyo. Kahina-hinala, lalo na papalapit ang eleksyon at mistulang dinadagdagan ng PNP ang alinlangan ng mga mamamayan. Hindi naman kaila sa impormasyon ng lahat ang mga private armies at militia na syang nakikinabang sa paglaganap ng loose firearms. Hindi pa nga yan ganap na natutugunan ng pulisya, tapos palalawakin pa nila ang access ng mga sibilyan sa baril? Huwag nating bigyan ng oportunidad ang mga non-state actors, gaya ng mga anti-crime civilian group, na maging mapang-abuso dahil sa mandatong ito.
Kahit kailan, hindi nasusukat sa dami ng armas ang peace and order ng isang bansa. Huwag nating isugal ang ating kinabukasan dahil lang sa sinaunang mindset na ito. ###