SISIHAN NG DOE-NGCP ‘MOVE ON’ NA PARA MALUTAS ANG MGA BLACKOUT – IMEE
MANILA – (June 17, 2021) – Nagbabala si Senador Imee Marcos na hahadlangan ng panandalian at pangmatagalang blackout ang pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa kung hindi matitigil ang sisihan ng Department of Energy (DOE) at ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at hindi sila makabuo ng mga solusyon.
“Tigilan na ng DOE at NGCP ang ‘blame game’ o sisihan. Habang lumuluwag ang mga quarantine, inaalis ang mga curfew, at parami na ang mga nababakunahan, ang mga negosyo ay magbubukas ng mas mahabang oras at mangangailangan ng mas malaking supply ng kuryente. Inaasahan din natin na unti-unti nang magbabalik ang face-to-face classes pati ang regular na operasyon ng MRT,” ani Marcos.
“Ang nagbubukas na ekonomiya ay hindi kakayanin ang mga mahahabang blackout, tulad ng nangyari noong early 90’s dahil dinedma lang ang mga solusyon sa krisis sa enerhiya,” dagdag pa ni Marcos.
Tinukoy ni Marcos, chairman ng Senate economic affairs committee, ang mga blackout na posibleng magpatuloy ngayong Hunyo hanggang sa mga susunod na buwan dahil sa “preventive maintenance” ng mga planta ng kuryente at kawalan ng bagong kontrata para dagdagan ang kapasidad ng enerhiya.
Binanggit rin ni Marcos na inaasahan nang mauubos sa 2024 ang power-generating capacity ng Malampaya gas field, na nagsu-supply ng 30% ng kuryente sa Luzon.
” Tinatangka ba ng NGCP na magtipid sa gastusin sa pamamagitan ng hindi pangongontrata ng mga reserba ng kuryente, wala bang power supply na makontrata, o nag-aalangan ang mga investor na magtayo ng kinakailangang mga planta ng kuryente dahil hindi nila inaasahang kokontratahin sila?” tanong ni Marcos.
Bagamat nangako ang DOE na iimbestigahan ang industry players na naging sanhi ng blackout kamakaylan lang, sinabi ni Marcos na “ang sabwatan ay mahirap patunayan sa ilalim ng kasalukuyang guidelines.”
Sa harap nito, kabilang sa solusyong isinusulong ni Marcos ang panukalang amyendahan ang Republic Act 10667, o ang Philippine Competition Law.
“Ito ang magbibigay-daan para mas mapangasiwaang mabuti ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Philippine Competition Commission ang tinawag ni ERC chief Agnes Devanadera na “pricing play” o laro sa presyuhan sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM),” ani Marcos.
Paliwanag ni Marcos, ang ‘secondary price cap’ ng WESM na layong protektahan ang mga konsyumer mula sa manipulasyon ng presyo ng kuryente ng mga power generation companies ay “tinamaan ng mahigit sa 400 beses sa taong ito, kumpara noong 2019 na tatlong beses lang.”
“Isa pang solusyon ay baguhin o ayusin ang depinisyon ng reserbang kuryente, na sa ngayo’y nakatakda sa 4% ng ‘peak demand’ lamang. Ito’y kinakailangang itaas para makatulong na makaagapay sa pangangailangan ng kuryente at maiwasan ang mas maraming blackout,” diin ni Marcos.
Inihirit rin ni Marcos ang mabilis na pagpasa ng amyenda sa Foreign Investment Act sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Hulyo, upang “maging daan sa paghikayat ng mga alternatibo sa Malampaya, kabilang ang green energy at nuclear power.” ###