Sino ang Muslim ( unang kabanata )

Ang bawat sangol na pinapanganak ay Muslim, ito ang tinatawag na ( Fitra ) Nagiging Kristiano o Hudyo  man ito ayon sa relihiyon ng kanyang mga magulang. Ang bawat sanggol na pinapanganak ay nanatili ito sa kanyang kalikasang naniniwala o sumasamba sa nag-iisang Allah (Diyos) at mayroong siyang likas na pagnanais na sambahin lamang Siya. Kapag hinayaan mo lamang ang batang itong lumaki at hindi mahahaluan ang kalikasan o natural nitong pagkilala sa Diyos, katotohanan, siya ay sasamba lamang sa nag-iisang Allah (Diyos) ng kusa.

Ito po ang tinatawag na Fitrah. Subalit, ang lahat ng bata ay naaapektuhan ng mga bagay sa kanilang paligid.

Sinabi ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na ang Allah ay nagsabi:

“Nilikha Ko ang Aking mga tagapaglingkod sa tamang Deen subalit sila’y niligaw ng Demonyo”.

Si Propeta Muhammad (sallalaho ‘alayhi wa salam) ay nagwika rin:

“Ang lahat ng sangol ay isinilang sa kalagayan ng “Fitrah”ngunit ang kanilang mga magulang ay ginawa silang Hudyo, Kristiano, o Zoroastriano, katulad ng hayop na nagsilang ng karaniwang supling, nakakita na ba kayo ng anuman na isinilang ng putol-putol” (Bukhari at Muslim)

At pagkatapos ay kanyang binigkas ang ayaah sa Qur’an:

فاقم وجهك للدين حنيفا فطرة الله التي فطر الناس عليها لاتبديل لخلق الله ذلك الدين القيم ولكن اكثر الناس لايعلمون

Na kung kaya, ituon mo, O Muhammad, ang iyong mukha, ikaw at ang sinumang susunod sa iyo at manatili ka sa ‘Deen’ na siyang ipinag-utos na batas ng Allâh sa iyo, na ito ay ang Islâm. Na ito ang ‘Fitrah’ o likas na pagkakalikha ng Allâh sa sangkatauhan, na kung kaya, ang pananatili ninyo at paghawak ninyo rito ay siyang tunay na pananatili sa likas na nilikha ng Allâh na paniniwala na bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya.

[Sûrah Ar-Rûm 30:30]

Subalit, dahil nga wala pang kakayahan magsalita ang batang sangol na ito, at ang kanyang mga magulang ay kristiano, walang kalaban laban itong mabibinyagan. Dito, isasaksak na sa kanya ang mga doktrinang siya ay pinanganak na may bahid ng kasalanan dahil sa “namanang kasalanan” o tinatawag na “original sin” at mayroon isang tao subalit Diyos din na nagkatawang tao at anak anak din ng Diyos  ang kailangan mamatay para tubusin ang mga kasalanan.

At pagkatapos ng binyagang ito, ihahayag na ng pari na ang batang sangol na ito ay isa ng “Kristiano” . Mga ilang minutong nagdaan bago pa man mabinyagan ang batang ito, ano ba ang tawag sa kanya?

Ang pananampalatayang sinusunod ng bata sa gayong panahon ay isa lamang kaugaliang kinagisnan at kinalakihan at ang Allah ay hindi nagbibigay ng pananagutan o kaparusahan sa ganitong pagkakataon.

Sa buong buhay ng tao mula sa kanyang kabataan hanggang sa panahon ng kanyang kamatayan, may mga tanda o mga pahiwatig na ibinibigay sa kanya hanggang maging maliwanag na mayroon lamang nag-iisang tunay Diyos, ang Allah. Kung ang tao ay tapat sa kanyang sarili, itakwil ang mga huwad na diyos at hanapin ang Allah, ang landas ay magiging magaan sa kanya.

Subalit kung siya ay magpatuloy na itakwil ang mga tanda mula sa Diyos at magpatuloy na sumamba sa nilalang, ay lalong higit na mahirap upang siya ay makawala sa maling pananampalataya.

Ang tao ay binigyan ng sapat na talino upang makilala ang tunay at nag-iisang Allah. May mga taong nagiging sinungaling sa kanilang mga sarili na pilit pinapaniwala ang sarili sa huwad na relihiyon kahit siya mismo ay naguguluhan at hindi kayang unawain ng sarili niyang talino at konsensiya.

Pag naririnig ng karamihan ang salitang Muslim, ang pinakaunang pumapasok sa isip nila ay mga taga mindanao, terrorista, traydor, matatapang at iba pa.

Ang salitang MUSLIM ay wikang arabik na ang ibig sabihin ay sumusuko, nagpapasakop o sumusunod sa kalooban ng dakilang Lumikha-ang Allah.

* ang Islam ay ang pagsunod,pagpapasakop sa kalooban ng Allah, ang taong gumagawa nito o ang taong sumusuko at sumusunod sa kalooban ng Tagapaglikha (Allah) ay tinatawag na MUSLIM.

Ang lahat ng bagay na nanatili at gumagalaw ayon sa pagka desenyo sa kanila ay tinatawag ding MUSLIM.

Halimbawa ang araw ay sumisibol sa silangan at lumulubog sa kanluran. Hanggat ang araw na ito ay nananatili sa anyo, galaw at desenyong itinalaga sa kanya sya ay tinatawag na MUSLIM.

Dahil sa kanyang pagsunod sa kung ano ang itinalaga sa kanya ng Allah.

Halimbawa rin ay ang puno ng mangga. Hangat ang punong mangga ay namumunga ng bungang mangga siya ay tinatawag na MUSLIM.

Ang lahat ng nilikha ni Allah na nakikita natin sa ating kapaligiran ay mga MUSLIM.

Sila ay nananatili at sumusunod ayon sa desenyo ng pagkalikha sa kanila….

Abangan ang susunod na karugtong nito..

Samsodin Monib