Senador Alan at Pia, tinuligsa ang ‘pro-tobacco’ position ng delegasyon ng Pilipinas
Habang ang ibang bahagi ng mundo ay gumagawa ng mga hakbang upang pigilan ang paninigarilyo, ang Pilipinas ay tila tumatakbo sa kabilang direksyon.
“The reality is that the Philippines, at this point in time, both with the law and with the representations made, is pro-tobacco,” wika ni Senador Alan Peter Cayetano sa isang pandinig kamakailan ng Blue Ribbon Committee ukol sa pagtanggap ng bansa ng “Dirty Ashtray” Award sa ikalimang pagkakataon.
Ito ang ang obserbasyon ng independent senator dahil kwinestiyon ni Senador Pia Cayetano, na siyang unang babaeng namuno sa komite, ang intensyon ng delegasyon ng Pilipinas na dumalo sa 10th session ng World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC).
Ayon kay Senador Pia, ang “Dirty Ashtray” Award ay binigay sa Pilipinas dahil sa “delaying tactics” ng bansa sa pagpapatupad ng Articles 9 at 10 ng FCTC na nagmamandato product disclosure at testing measures sa tabako.
Giit pa niya, ang mga miyembro ng delegasyon ay kinabibilangan ng mga tobacco industry players na “nagkukunwari” lamang na kumakatawan sa mga magsasaka ng tabako.
Sa totoo lang, aniya, ginulo lang nila ang layunin ng pakikilahok ng bansa sa kumperensya.
“Kung farmers ang gusto mo proteksyonan, bakit mo pinipigilan y’ung mga Articles (9 at 10) tungkol sa testing at measuring (ng produktong tabako) ?” saad ni Senador Pia.
Binigyang-diin ni Senador Alan ang kasaysayan ng industriya ng tabako sa pagkubli ng katotohanan at pagpigil ng impormasyon sa mga mapaminsalang epekto ng nito, na siyang dahilan sa pagtaas ng paggamit ng tabako lalo na ng mga kabataan.
Isinaad din ng senador na hindi dapat nagbabago ang paninindigan ng bansa laban sa tabako.
“The problem for me is when we present ourselves as anti-tobacco, but we are pro-tobacco,” aniya.
Ipinunto rin ni Senador Alan na ang industriya ng tabako sa bansa ay nakikinabang lamang sa mga kapitalista at iniiwan sa mga magsasaka ang maliit na bahagi ng P160 bilyong taunang kita ng industriya.
“Let’s not say we are protecting the farmers here, kasi the farmers only get P1 billion, kulang pa ‘yon,” saad ni Senador Alan.
“I would like us to have a policy that will help farmers, help those who will be affected in the industry, and the young people,” dagdag niya. ### (PR)