Sen. Bong Go, ipinagmalaki ang proyektong Super Health Center pagkatapos nitong ikutin ang Bambanti Village sa Isabela
Dinumog ng maraming tao ang pagdating ni Sen. Bong Go sa Probinya ng Isabela. Nakiselpie rin ang Senator sa mga tao habang iniikot ang Bambanti Village na pangunahing atraksyon sa Kapitolyo habang ipinagdiriwang ang Bambanti Festival 2024. Larawang kuha ni Mae Barangan
SAN MATEO, Isabela – Ipinagmalaki ni Sen. Bong Go ang kanyang proyektong Super Health Center sa kanyang talumpati ngayong araw, Enero 25, pagkatapos niyang ikutin ang Bambanti Village na itinayo sa pagdiriwang ng Bambanti Festival 2024 na nagsimula noong Enero 22.
Ayon sa senador na siyang Chairman ng Committee on Health, nakakuha ng 24-0 bilang ng boto sa Senado ang pagsasabatas ng Super Health Center.
Ang Super Health Center ay isang medium type polyclinic na mas maliit sa hospital at mas malaki sa Rural Health Unit. Naglalaman ito ng mga iba’t ibang serbisyong medical tulad ng minor surgery, dental, laboratory, xray, at panganganak.
Kanya ring sinabi na magkakaroon ang Probinsya ng Isabela ng 18 na Super Health Center na kung saan ay natapos na ito sa Bayan ng Mallig at kasalukuyan nang nagpapatayo ang Bayan ng Cabatuan, Naguillian, San Agustin, San Isidro, San Mateo, Sto. Tomas, Echague, Jones, Luna, Maconacon, Palanan, Divilacan, Ramon, Reina Mercedes, San Guillermo, San Manuel at ang Siyudad ng Santiago.
“Kung mayroon kayong pasyente na kailangan po ang tulong sa Maynila, sa heart center, sa National Kidney and Transplant Institute sabihan niyo lang po ang inyong Mayor, ako na ho ang sasalo doon pati pamasahe at pagpapaopera doon po sa Maynila. Tutulungan ko po kayo sa abot ng aking makakaya,” pahayag ng Senador.
Samantala, bago ang kanyang talumpati ay nag-ikot ang Senador kasama sina Gob. Rodito Albano, Bise Gob. Bojie Dy, at actor na si Philip Salvador sa Bambanti Village. Inisa-isang pinasok ng Senador ang lahat ng nakatayong Bambanti booth sa presenysa ng mga Alkalde ng bawat munisipyo.
Isinagawa ang nasabing aktibidad upang ipakita sa Senador ang yaman ng Probinsya ng Isabela sa agrikultura.
Nagpapamudmod din ng bola ang Senador na siya ring Chairman sa Committee on Sports. Kanyang ipinahayag na siya ang co-author at co-sponsor ng National Academy of Sports. Tinatrabaho na rin niya umano ang institutionalization ng Philippine National Games Bill. Kapag pumasa ito ay magkakaroon na ng National Mini Olympics
Pagkatapos ng kanyang talumpati ay agad ding umalis sa probinsya ang senador.# Mae Barangan