Rosas ang simbolo ng kampanya sa pagka-Pangulo ni Robredo

Rosas ang simbolo ng kampanya para sa pagka-Pangulo ni Vice President Leni Robredo, na opisyal nang magsisimula sa Martes, ika-8 ng Pebrero.

“The rose is the symbol of our campaign because, in our country, the rose also stands for love, hope, and a better life,” sabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez.

“Ito ang angkop na tatak na sumasalamin sa sentro ng ating laban – ang puso ng bawat Pilipino na nagbibigay buhay sa ating People’s Campaign. Ang katagang ‘Rosas ang kulay ng bukas’ ay ang pangarap na bitbit ng ating pangakong ‘Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat’,” dagdag ni Gutierrez.

Inilunsad ang simbolo nitong Lunes, ika-7 ng Pebrero, sa official Facebook page ni Robredo.

Karaniwan nang bahagi ang mga bulaklak ng mga pulitikal na pagkilos sa buong mundo, habang ang rosas ay sumasagisag sa pagtulak ng demokrasya at kalayaan.

Ang rosas ngayon ay umaakma rin sa pink, na siyang naging kulay ng kampanya ni Robredo at kusang tinangkilik ng kaniyang mga taga-suporta.

Matapos magdeklara si Robredo ng kandidatura para sa pagka-Presidente noong ika-7 ng Oktubre, ipinakita ng mga mamamayan ang pagbubunyi sa naging desisyon ng Bise Presidente sa pamamagitan ng pagpo-post sa Facebook, Twitter at Instagram. Napuno ang social media feeds ng kulay pink, na sumisimbolo sa pulitikal na pagprotesta at pagbabago.

Karaniwan na ring iniuugnay ang rosas at kulay pink sa mga kababaihan.

At gaya ng pahayag sa isang presidential forum ni Robredo, na siyang nag-iisang babae sa mga kumakandidato para sa pagka-Pangulo ng Pilipinas: “The last man standing will still be a woman.” [End]

PRESS RELEASE