Project “Kumusta KA” Inilunsad ng 1st QPMFC
AGLIPAY, Quirino-Inilunsad ng mga tauhan ng 1st Quirino Provincial Mobile Force Company (1st QPMFC) sa pangunguna ni PLtCol. Anthony B. Lozada, ang Komander ng grupo, kasama ang mga miyembro ng Company Advisory Group (CAG) sa pangunguna ni G. Joan U. Javier, chairperson, ang bago nilang Proyekto, “Project Kumusta KA.” Ito ay isinagawa sa Brgy. Divisoria Sur, Maddela, Quirino kamakailan.
Ang proyektong ito ay may layuning kumustahin ang estado ng buhay ng mga dating kasapi ng New People’s Army sa baryo na bumalik sa panig ng pamahalaan. Paraan na rin ito para alamin ang progreso ng mga pangkabuhayang benipisyo na kanilang natanggap mula sa E-CLIP. Kasabay ng pagbisita ay ang pagkakaloob ng grocery items bilang pasalubong.
Ang binisita ay si “Ka Boyet/Bong” na boluntaryong sumuko sa tanggapan ng 1st QPMFC noong Okt. 29, 2021.
Ang nasabing aktibidad ay alinsunod sa pagpapatupad ng 1st QPMFC Really Cares Program at mga alituntunin na nakapaloob sa NTF-ELCAC. Naglalayon itong makuha ang tiwala at kumpiyansa ng mga tao at para palakasin ang civil governance upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa mga barangay na naideklarang malaya mula sa presensya at aktibidad ng mga miyembro ng Communist Terrorist Groups sa nasasakupan ng 1st QPMFC.
Pinapurihan ng Provincial Director na si PCol. Augosto P. Bayubay ang pamunuan ng 1st QPMFC at hinikayat nito na ipagpatuloy ang mga hakbang tungo sa kapayapaan sa Probinsya ng Quirino. Ayon pa Kay Col. Bayubay, ang kapulisan ay laging handang tumulong anumang oras sa lahat ng mga nangangailangan.
Matatandaan na sa bisa ng Resolution Number 145, Series of 2022 na inilabas ng Provincial Council noong Ock. 10, 2022 idineklara ang Quirino bilang Insurgency-free Province noong Nob. 4, 2022. –Ni Pat. Christian Callo at Mae Barangan