Pagguho ng Riprap sa Leonard Wood Road, kailangan agad maisaayos – City Admin
Sanhi ng walang patid na pagbugso ng malakas na pag-ulan ay hindi inaasahan ang biglang pagguho ng riprap wall sa kahabaan ng Leonard Wood Road, Baguio City noong ika-28 ng Hulyo, Miyekules ng umaga.
Ang istraktura ay isang proyekto na isinagawa ng Department of Public Works and Highways, Baguio City District Engineering Office dalawang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon na isinawalat ni Mayor Benjamin Magalong at City Administrator Bonifacio dela Peña na may mga bitak na napansin sa bangketa dahil sa pag-ugoy ng mga poste ng kuryente at ilang pine tree.
“Lumilitaw na ang tubig ay tumagos sa mga bitak at ang pag-ipon ng tubig ay hindi kinaya ng mga butas na naging sanhi ng pagkasira nito . Ang pagbuo ng tubig ay maaaring maging sanhi ng pagbagsak ng pader,” ani Magalong
Sinabi naman ni dela Peña na maaaring kailanganin itong gawin muli.
Ayon naman kay City Police Director PCol. Glenn Lonogan na hanggang ngayon, isang linya pa lang ang ginagamit na daanan sa Leonard Wood Road na para sa mga papalabas na sasakyan lamang at ang papasok naman ay dadaan sa Recto, Navy Base. Mario Oclaman / FNS