Pagdiriwang ng Pagkakatatag ng bayan ng Quezon dinaan sa pagtatampok ng Pamana at Kultura

Pagdiriwang ng Pagkakatatag ng bayan ng Quezon dinaan sa pagtatampok ng Pamana at Kultura

Quezon, Quezon – Nag-uumapaw sa mga gawaing pangkultura at panturismo ang bayan ng Quezon sa lalawigan ng Quezon. Pinasinayaan ang ika-111 taong pagkakatatag ng Bayan ng Quezon noong Enero 13 at magkakaroon ng pagpipinid na programa sa Enero 31.

Nagkaroon ng ng motorcade at kick-off ceremony noong Enero 13, nagkaroon din ng mga timpalak at paligsahan sa pagkuha ng litrato, baliktanaw photo contest at likha’t bigkas tula noong Enero 17. Mayroon din on-the-spot mural painting competition nang Enero 21, bukod dito ay nagkaroon ng on-the-spot poster making at mural painting contest noong Enero 24. Habang sa darating na Enero 27 ay magkakaroon ng Quez-on Bowl para sa antas elementarya at sekundarya. Susundan ito ng talakayan sa “Kahalagahan ng Kultura, Kasaysayan at Pagkakakilanlan sa Pagpapalago ng Turismo.” Samantala, magkakaroon ng color fun run at foam party sa Enero 30 at Quezon night: celebrating talent and creativity sa Enero 31.

Mula sa Quezon Municipal Tourism Council. “Sa bawat taon ng pag-ikot ng ating buhay, ang Bayan ng Quezon ay patuloy na nagiging saksi sa mga kwento ng tagumpay, sakripisyo, at pagbangon. Ngayong ika-111 anibersaryo ng ating bayan, ipinagdiriwang natin ang hindi lamang mga taon ng pag-iral kundi pati na rin ang mga alaala, aral, at pagkakaisa na nagbigay hugis sa ating bayan. Mula sa mga unang hakbang ng ating mga ninuno hanggang sa ngayon, ang bawat hakbang ay nagsisilbing batong nagpatibay sa ating pundasyon. Ang ating mga kwento ay nagsisilbing gabay sa pagtahak natin patungo sa mas maganda at mas maliwanag na kinabukasan.”

Dagdag pa nila, “Ngayong taon, halina’t magsama-sama at muling buhayin ang di-mabilang na tradisyon, sining, at kwento ng Bayan ng Quezon, ipagdiwang natin ito ng buong puso at alalahanin ang ating papel bilang mga tagapangalaga ng ating makulay at mayamang kultura’t kasaysayan.”

Ayon sa Tourism Operations Officer, Rei Jerrico Badinas, bilang bahagi ng pagpapalago ng turismo, kultura at ng sining sa pamayanan, tungkulin ng pamahalaang bayan na magsagawa ng mga programa na makatutulong upang maiangat ang aspetong ito ng bayan. Kaya sa pamamagitan ng isang Pambayang Kautusan blg 2020-02 na nilagdaan at pinagtibay ng noong Pebrero 22, 2021, isinasabatas ng Sangguniang Bayan ang taunang selebrasyon ng pagkakatatag ng Bayan ng Quezon at idineklara ang buong buwan ng Enero bilang panahon ng pagsasagawa ng mga kaugnay na gawain at pagdiriwang.

Ang Bayan ng Quezon bilang isang nagsasariling bayan, sa pangunguna ng punong bayan, tanggapan ng Pambayang Turismo, Kultura at ng Sining at ng Pambayang Konseho ng Kultura at Sining ay muling nagsasagawa ng mga gawain na paggunita ng ika-11 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bayan ng Quezon. (PR)

PRESS RELEASE