OCTA Research Abril 2 -6, BBM 77%, Top pick ng Kabataang botante; Robredo taob sa 8%

(April 19, 2022) – PATULOY na namamayagpag sa lahat ng survey si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kabilang na sa mga kabataang botante na matagal nang isinisigaw ng kampo ni Leni Robredo na kaniyang mga taga-suporta.

Sa Tugon ng Masa survey na isinagawa ng respetadong OCTA Research mula Abril 2-6, nakakuha si Marcos ng 77 porsyentong voter preference sa mga may edad na 18-24.

Nasa malayong ikalawang pwesto si Isko Moreno na nakakuha ng 10 porsyentyo sa naturang age group.

Si Leni Robredo, na matagal nang iginigiit na solido ang suporta sa kanila ng kabataan, ay nasa ikatlong pwesto lamang na mayroong sadsad na numero na walong porsyento.

Ibig sabihin may malaking 69 porsyento na kabuuang lamang si Marcos kay Leni sa naturang age group ng mga kabataan.

Nasa malayong ika-apat naman si Manny Pacquiao na mayroong apat na porsyento habang si Ping Lacson ay nakakuha ng isang porsyento at nasa ika-limang pwesto.

Malaki rin ang lamang ni Marcos sa lahat ng age bracket, sa edad na 25-34 umiskor siya ng  62 porsyento; 35-44 years old, 46 porsyento; 45-54 years old, 50 porsyento; 55-64 years old, 54 porsyento; 65-74 years old, 53 porsyento; at 75 pataas, 36 porsyento.

Napanatili ni Marcos ang kanyang malaking lamang sa nasabing survey ng OCTA Research matapos siyang makakuha ng 57 porsyentong voter preference sa kabuuang 1, 200 respondents.

Mas tumaas pa ito ng dalawang porsyento kumpara sa kanyang 55 porsyentong voter preference nitong nakaraang Pebrero 2022.

Napanatili rin ng standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang kanyang kalamangan sa halos lahat ng rehiyon tulad ng National Capital Region (NCR) kung saan nakakuha siya ng 35 porsyento, 66 porsyento naman sa Balance Luzon, 56 porsyento sa Visayas at 50 porsyento sa Mindanao.

Si Marcos din ang nangunguna sa lahat ng social class sa bansa matapos makakuha ng 52 porsyento sa Class ABC, 59 porsyento sa Class D, at 44 porsyento sa Class E.

Sa katulad na survey na nag-leak nitong Marso ng Social Weather Station (SWS), nanatili ring “runaway winner” si Marcos sa karera sa pagka-pangulo matapos tumaas pa ng walong porsyento ang kanyang voter preference.

Nanatiling matatag sa unang puwesto si Marcos na nakakuha ng 58 porsyentong voter preference nitong Marso 2022 survey na tumaas ng walong porsyento kumpara sa kanyang 50 porsyentong bilang nitong Enero 2022.

Kamakailan din lamang ay idineklara ng Pulse Asia na posibleng si Marcos ang kauna-unahang “majority president” sa bansa sa ilalim ng multi-party setup, matapos mapanatili ang malaking lamang laban sa kanyang mga katunggali.

Base sa resulta ng Pulse Asia survey nitong Marso, nanatiling matatag si Marcos sa unang posisyon matapos makakuha ng 56% voter preference.

Sa panayam kamakailan ng SMNI, sinabi ni Ana Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na tiila mahihirapan na ang kampo ni Robredo na makahabol kay Marcos dahil sa malaking lamang nito.

“Medyo mahirap po siya (para kay Robredo na humabol), kasi nga po itong huling pagtaas ni Leni ay nine points. Para po makahabol ay kailangang niya ng 16 points tapos kailangang mabawasan si BBM ng 16 points sa darating na araw bago ang eleksyon. Medyo mahirap siya (mangyari),” paliwanag pa niya.

“Maaring magbago, ang tanong eh kung makakahabol pa. Hindi naman imposible pero medyo mahirap po kasi 32 points yung gap,” ayon pa sa research director. ###

PRESS RELEASE