NPC, iba pang grupo naghain ng mandamus sa SC kontra Comelec

SA hangaring matiyak na gagampanan ng Comelec ng tama at maayos ang tungkulin nito kaugnay ng darating na halalan sa Mayo 9, naghain ng mandamus ang National Press Club kasama ang dalawa pang grupo sa Korte Suprema upang obligahin ang poll body na ilantad sa publiko ang mga preparasyon at hakbangin na ginagawa nito kaugnay ng nalalapit na halalan.

Inihain ni NPC president Paul Gutierrez ang petisyon, kasama ang mga kinatawan ng Automated Election System Watch, at Guardians Brotherhood Inc., na humihiling sa Korte Suprema tingnan kung may mga paglabag ang Comelec kaugnay ng paghahanda nito sa darating na halalan.

Ginamit nilang halimbawa ang pagtanggi ng Comelec na ilantad sa publiko kung ano mga ginagawa nila para tiyakin na hindi depektibo at akma sa hinihingi ng election laws ang automated election system na gagamitin sa darating na halalan mula sa pag-imprenta ng balota hanggang sa pagpapadala ng mga resulta.

“Surprisingly, the respondent Commission on Elections (“Comelec”) has proceeded and is continuously proceeding, to prepare for the upcoming elections in extreme secrecy… COMELEC’s refusal to be transparent in the conduct of the 2022 National and Local Election will cast doubt on the integrity of the results thereof and will cause political turmoil all to the detriment of the Filipino people,” saad sa petisiyon.

Ayon pa sa mga petitioners ang isyu na ito ay paglabag sa karapatan ng mga Pilipino para sa tamang impormasyon.

Anila, tungkulin ng Comelec na siguraduhin na transparent ang bawat proseso at hindi ito nababahiran ng anumang katiwalian para matiyak na malinis at tapat nilang ginagawa ang kanilang trabaho kaugnay ng darating na halalan.

“Unfortunately, Comelec has not made the above-enumerated information publicly accessible, which adds substantial doubt to the integrity of the upcoming elections,” saad ng mga petitioner.

“Second, the “time element” justifies direct resort to this honorable Court because this petition is filed during and about the election period. Election period is defined by the 1987 Constitution as the period “commenc[ing] ninety days before the day of the election and shall end thirty days after,” dagdag pa ng mga petitioners.

Sinabi pa sa petisyon na kailangan maresolba kaagad ang petisyon para masiguro ang integridad ng halalan.

Hiniling din ng mga petitioners na dapat ay maisapubliko ang lahat ng preparasyon sa halalan mula sa pag-imprenta ng balota, configuration at testing ng mga SD Cards, vote counting machines (VCMs) at transmission diagrams.

“These activities were all carried out in utmost secrecy and without the presence of the authorized representatives of candidates and/or political parties, all in violation of Republic Act No. 8436 as amended by Republic Act Nos. 9369 and 9525″, wika nila.   ###

PRESS RELEASE