NICA-R02, nagsagawa ng lecture sa mga Senior Students ng PNHS sa Isabela

NICA-R02, nagsagawa ng lecture sa mga Senior Students ng PNHS sa Isabela

Mga Larawang kuha ni Mae Barangan: Sina Plormelinda P. Olet at Christine Macaspac habang nagsasagawa ng lecture; panayam ng isang estudaynteng manunulat ng Editorial kay Olet pagkatapos ng lecture.

SAN MATEO, Isabela– Humigit kumulang 100 senior students ang sumailalim sa lecture na isinagawa ng National Intelligence Coordinating Agency-Region 2 (NICA-R02) tungkol sa mga gawain at aktibidad ng mga miyembro ng Communists Terrorist Groups (CTG) noong Abril 11, 2024 sa Palanan National High School (PNHS), Brgy. Dicabisagan West, Palanan, Isabela.

Ang unang bahagi ng aktibidad ay ang pagpapakilala ni Plormelinda P. Olet, panrehiyong director ng NICA-RO2 tungkol sa tungkulin na ginagampanan ng kanilang ahensya sa pambansang seguridad. Kanyang sinabi na pinapaigting nila ang mga gawaing may kinalaman sa anumang banta laban sa katahimikan ng bansa upang magampanan ang layunin ng National Task Force to End Local Communist Terrorist Groups (NTF-ELCAC) na tuldukan ang mga problema sa insurhensiya na dulot ng mga kasapi ng CTG.

Si Christine Macaspac Alyas Ka KIRA na dating kasapi ng Anakbayan at Migrante International isang prenteng organisasyon ng teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF hanggang sa naging regular na miyembro ng NPA sa lambak ng Cagayan bago ito sumuko sa mga kasapi ng Philippine Army ay nagbigay ng pangaral sa pamamagitan ng pagsasalarawan ng kanyang buhay bilang miyembro ng nasabing komunistang organisayon noong siya ay high school pa lamang hanggang sa nakakatungtong ng kolehiyo sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Kanyang pinayuhan ang mga estudyante na piliing mabuti ang mga organisasyong kanilang sinasalihan upang makaiwas sa recruitment na isinasagawa ng mga prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front. Aniya, mapanlinlang ang mga hakbang ng mga ito kaya’t huwag magpadala sa huwad na pangaral ng pag-aaklas laban sa gobyerno.

Ang PNHS ay may kabuuang 1,178 na estudyante. Ayon sa School Principal na si Gng. Rosemarie Francisco, ang nasabing oryentasyon ay magsisilbing eye opener sa kanilang mga estudyante. Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na may nagbigay ng nasabing serbisyo sa kanilang eskwelahan kaya’t ipinaabot nito ang kanyang pasasalamat.# Mae Barangan

Mae Barangan