Nagtapos sa UC at SLU, mga topnotcher ng CPA

Nagtapos sa UC at SLU, mga topnotcher ng CPA

BAGUIO CITY  – Isang malaking karangalan sa dalawang Unibersidad sa lungsod ng Baguio matapos inihayag ng PRC na 2,239 sa 7,376 ang pumasa sa Licensure Examination for Certified Public Accountant (CPA) na ibinigay ng Board of Accountancy sa N.C.R., Baguio, Butuan, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legaspi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga noong nakaraang buwan ng Mayo 2023.

Nauna rito napag alaman nang inilabas ang resulta ng mga nakapasa noong  May  30, 2023 CPA Licensure Examination ay ang nakakuha ng top 1 ay si Alexander Salvador Centino Bandiola Jr. na nagtapos sa University of the Cordillera

Si Bandiola, mula sa City Camp, Baguio City, ay nakakuha ng kabuuang rating na 89.50%. Nagtapos siya ng magna cum laude sa UC (dating Baguio Colleges Foundation) noong 2020 at nanguna sa 20 pumasa sa 27 UC examinees.

Ayon kay Bandiola, “Pinangarap kong pumasok at kumuha ng kurso bilang accountancy sa UC maraming pagsubok ang dumating sa buhay ko habang nag-aaral, pero tuloy lang at pokus lang talaga sa pag-aaral basta ang pangarap ko lang ay makapasok ako sa topnotcher ngunit hindi ko inaasahan na maging top 1 ako, labis akong nasiyahan at malaking pasasalamat ko ito sa Panginoong Diyos at sa magulang ko at buong pamilya na naging inspirasyon ko sila dahil sa kanilang suporta.

“Hinihikayat ko ang aking mga kapwa nagtapos at sa mga mag aaral ng accountancy na kailangan lang talaga ay mag-aral ng mabuti at ituloy ang kanilang mga pangarap sa gitna ng mga hamon sa buhay,”

Samantala, si Neftali Blase Suarez mula sa Saint Louis University ay nasa Top 7 ng CPA board exams na may rating na 88.17%. Pinamunuan niya ang 72 pumasa sa 135 na pagsusulit mula sa SLU.

Binati ng Commission on Higher Education – Cordillera ang mga bagong accountant lalo na ang dalawang topnotcher na sinabi nilang “tunay na lumikha ng bagong palatandaan sa kasaysayan  CAR’s Higher Education Institutions.”

Sa pahayag ng CHED-CAR, “Matagal nang kinikilala ang mga HEI sa Cordillera Administrative Region bilang isa sa mga beacon ng pagganap sa akademya. Ang tagumpay na ito ay lalong nagpapatibay sa reputasyon ng rehiyon bilang sentro ng kahusayan sa edukasyon. Ang pangako ng mga institusyong ito sa pag-aalaga ng natatanging talento at pagbibigay ng kaaya-ayang kapaligiran sa pag-aaral ay naging instrumento sa paghubog ng tagumpay ng kanilang mga mag-aaral,” ### Mario Oclaman // FNS

Mario Oclaman