Muling pagbabalik ng Litera Club workshop para sa Buwan ng Panitikan

Boac, Marinduque – Mula sa inisyatiba ng mga miyembro ng Marinduque State University (MarSU) Litera Club, magkakaroon muli ng palihan para sa pagsulat ng tula at kwento ngayong Abril 11 at 12 para sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan. Bilang pakikiisa ng MarSU sa taunang paggunita ng kahalagahan ng malikhaing pagsulat ay inihanda ng MarSU Litera club ang dalawang araw na workshop bukas sa mga interesadong kumatha ng tula at kwento tungkol sa isla.
Ang Day 1 ay tungkol sa “mga titik na gumuguhit, mga kwentong may tugmang humihimig” (poetry writing) ni Genesis Historillo, AB English na alumni ng School of Arts and Social Sciences at datihang miyembro ng Litera club. Idaraos ito sa MarSU Library at Learning Resource Center kasama ang mga piling mag-aaral mula sa College of Arts and Social Sciences, MarSU Torrijos at Gasan.
Habang Day 2 ay nakalaan naman sa “mga kwentong pamana, dala-dala ng bawat tao sa isla,” nina Rizalyn Magno at John Earl Manlisis may tunguhing “turning local experiences into a creative work.” Kapwa alumni din ng SAS at Litera Club ang dalawa, gaganapin naman sa rooftop ng Integrated High School ng MarSU para naman sa klase ng Panitikan ng College of Engineering.
Inaasahang makakabuo ng mga piyesa maaaring ilimbag sa folio o antolohiya ng mga kwento at tula tungkol sa mga kwentong bayan, alamat at lokal na kasaysayan ng Marinduque. Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng Student Affairs and Services, Sentro ng Wika at Kultura at Sentro, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng MarSU kasama ang Marinduque Provincial Tourism and Cultural Office.
Ang Buwan ng Panitikan ay sa pagkilala sa ambag ni Francisco Balagtas, ipinanganak ng Abril 2 kung kaya ang buwan ay nakalaan sa pagkamalikhain, pagpapahalaga sa sining at lokal na kultura sa mga isla sa buong kapuluan ng bansa. ###