Mga pasyente ng Legazpi City Hospital natulungan ng medical assistance program ni Cayetano

Mga pasyente ng Legazpi City Hospital natulungan ng medical assistance program ni Cayetano

Nagbigay ng tulong medikal ang opisina ni Senador Alan Peter “Compañero” sa isandaang pasyente na kasalukuyang nagpapagamot sa Legazpi City Hospital (LCH).

Ang medical caravan na ito ay bahagi ng Medical Assistance Program ni Senator Cayetano, na nakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) para magtatag ng mga medical desk sa mga ospital ng gobyerno sa buong bansa.

Ang medical desk noong Mayo 31 ay isinagawa sa pakikipagtulungan nina Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal, Legazpi City Councilor John Philip Lee, LCH OIC-Office of the Chief of Hospital Dr. Lady Ann Serrano, at LCH Hospital Administrator Dr. Michael Galan. Isinagawa rin ito sa pakikipag-ugnayan ni Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) Region 5 Regional Director Dr. Ernie V. Vera.

Karamihan sa mga pasyente ay nanggaling sa Legazpi City, sa ibang munisipalidad ng Albay, at pati sa probinsya ng Sorsogon na may mga karamdaman sa puso, hypertension, at komplikasyon sa panganganak. Nakatanggap sila ng tulong sa kanilang mga bayarin sa ospital, mga gamot, laboratory tests, at medical procedures.

Isa si Agnes Ecleo sa mga matatapang na pasyente na nagpapagaling mula sa karamdaman niyang acute coronary syndrome. Nagpahayag siya ng pasasalamat sa tulong na ibinigay para sa pambili ng kanyang gamot at pagkain. “Malaking tulong po ito sa amin kasi dalawa lang po kami ng kapatid ko, wala po kaming asawa, anak, at trabaho,” wika ni Ecleo.

Dahil sa kanyang kritikal na kondisyon, ang anumang biglaang o kahit kaunting paggalaw ay maaaring humantong sa atake sa puso. “Wala rin po akong trabaho. Walang wala na po kami. Ang nagpapakain lang po sa amin itong kasamahan ko po dito sa kwarto ko. Kaya malaking tulong po ito sa amin,” sabi niya.

Nagpahayag siya ng pasasalamat kay Senator Cayetano sa tulong nito para sa kanyang mga bayarin sa ospital. “Salamat po sir [Cayetano] na matutulungan niyo po ako.”

Mula noong Oktubre 2022, nakatulong ang kanyang opisina sa libu-libong pasyente sa 12 ospital sa buong bansa. ### (PR)

PRESS RELEASE