Mga isyu sa K-12 curriculum resolbahin bilang paghahanda sa 2022 –Gatchalian

By Lucia F. Broñio

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 3 (PIA) — Binigyang diin ngayong araw ni Senator Win Gatchalian na dapat tugunan ang mga isyu sa pagpapatupad ng “spiral progression approach” at Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na mandato sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533) ngayong nirerepaso na ng Department of Education (DepEd) ang basic education curriculum na balak simulang ipatupad sa 2022.

Sa ilalim ng MTB-MLE program, dapat gumagamit ng regional language o kinalakihang wika ang pagtuturo, teaching materials, at assessment ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3. Mula Grade 4 hanggang Grade 6 naman, ang parehong Filipino at English ay unti-unting gagamitin sa pamamagitan ng language bridge program. Ang mga wikang ito ay sila ring gagamitin sa high school.

Kapag sinabing “spiral progression approach,” ang pinag-uusapan dito ay isang sistema ng pagtuturo kung saan magsisimula sa simpleng ideya, paksa at unti-unting ginagawang kumplikado habang binabalik-balikan ng mga mag-aaral habang pataas sila nang pataas ng antas ng pag-aaral para mas maging pamilyar sa kanila ang aralin.

Para masuri ang MTB-MLE at spiral progression approach na pawang ipinapatupad na sa ngayon, nagsagawa ng  workshop noong isang taon para mga guro si Gatchalian sa tulong ng non-government organization na Synergeia Foundation.

Ayon sa naging resulta ng workshop, kakaunti o halos walang guro ang may training para magturo ng maraming sangay ng isang subject na naaayon sa sistema ng spiral progression approach. Sa kaso ng mga Science Teachers, halimbawa, wala silang sapat na pagsasanay o training para magturo ng iba’t ibang sangay ng Science tulad ng Biology, Chemistry, at Physics. Pagdating naman sa MTB-MLE, ilan sa mga natukoy na problema ang kakulangan ng sapat na learning materials at teacher training sa paggamit ng mother tongue.

May ilang pag-aaral ding tumutukoy sa mga pagkukulang ng parehong MTB-MLE at spiral progression approach. Sa isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Philippine Normal University (PNU) ukol sa paggamit ng spiral progression sa Chemistry, napag-alamang kulang sa tuon at lawak ang nilalaman ng mga aralin gamit ang spiral progression. Idiniin din ng pananaliksik ang pangangailangan para sa sapat na pasilidad at mga kwalipikadong mga guro.

Ayon naman sa isang discussion paper mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), kabilang sa mga hamon sa programa ang kakulangan ng kahandaan ng mga paaralan at mga guro, pati na rin ng mga textbooks at learning materials.

“Bagama’t maganda ang layunin ng mother tongue policy at spiral progression approach, maraming pagkukulang sa pagpapatupad ng mga ito. Sa ating pagreporma sa curriculum, kailangan nating punan ang mga pagkukulang na ito upang matiyak nating nakatutulong ang mga polisiyang ito sa pagkatuto ng mga mag-aaral,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (PIA NCR)

PRESS RELEASE