Mga Caviteño, nakatanggap ng tulong medikal mula kay Senator Alan Peter Cayetano
Higit isandaang Caviteño ang nakatanggap ng medical assistance mula sa opisina ni Senator Alan Peter Cayetano sa Southern Tagalog Regional Hospital noong April 28, 2023, sa pakikipagtulungan sa Department of Health-Medical Assistance to Indigents Patients Program (DOH-MAIPP).
Inilagay ang medical desk sa ospital upang tulungan ang mga pasyenteng may diabetes, pulmonya, sakit sa kanilang auto immune system, at iba pa.
Nakatanggap ang mga pasyente ng tulong para sa kanilang hospital bills, gamot, laboratoryo, at ibang medical procedure. Karamihan sa mga natulungan na pasyente ay nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Cavite tulad ng Bacoor, Cavite City, Naic, Imus, Tanza, at Noveleta.
Isa si Arlene Arevalo sa nagpasalamat sa senador dahil sa malaking tulong na ibinigay para sa pagbabayad ng tumataas na hospital bill ng kanyang dalawang anak na kasalukuyang naka-admit sa ospital.
“Humingi po ako ng medical assistance dahil ang aking dalawang anak ay na-confine po dito. Unang anak ko po ay naoperahan sa luslos noong April 25. Kaya po naging dalawa sila dahil ‘yung anak ko na nagbabantay ay na-expose naman sa may COVID-19 na pasyente,” sabi ni Arevalo, na tubong Bacoor, Cavite.
“Ngayon lang po ako naka-experience na sila po ang pumupunta sa mga ospital para lapitan [ang mga nangangailangan], at napakadali po ng proseso nila. Handa silang tumulong sa nangangailangan,” dagdag niya.
Mangiyak-ngiyak naman si Rebecca Francisco nang ibahagi niya ang kwento ng pagkaka-admit ng kanyang anak dahil sa cardiac arrest habang sumasailalim ito sa append tatlong buwan na ang nakalipas. Aniya, nagdadasal siya para sa pagpapagaling ng kanyang anak at pambayad ng hospital bills.
“Salamat sa Diyos na may encounter po kaming ganitong [medical caravan] sa tagal namin dito na tatlong buwan. Salamat po at nagpunta kayo dito para tulungan kaming may pasyente dito. Sana po marami pa kayong matulungan tulad namin,” wika ni Francisco, na galing Tanza, Cavite.
Mula noong Oktubre 2022, nakapag-abot na tanggapan ni Cayetano ng tulong medikal sa libu-libong pasyente mula sa buong bansa. Ayon sa opisyal na Facebook Page nito — Sen. Alan Peter Cayetano Tulong-Medikal — ang programa ay magpapatuloy sa pagtatayo ng medical desks sa iba’t ibang ospital sa buong bansa upang matulungan ang mas maraming Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal.
Bilang beteranong senador, matagal nang nagtatag si Cayetano ng isang medical assistance program upang tulungan ang mga mahihirap na Pilipino sa kanilang pangangailangang medikal.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado noong nakaraang taon, inakda ni Cayetano ang ilang panukalang batas na may kinalaman sa kalusugan tulad ng Barangay Health Centers Act (Senate Bill No. 303), Super Health Centers in All Cities and Municipalities (Senate Bill No. 304), ang Health Passport System Act (Senate Bill No. 60), ang Mahal ko, Barangay Health Worker Ko Law (Senate Bill No. 68), at ang Floating Hospitals Act (Senate Bill No. 305).### (PR)