Mayor Magalong nagdeklara ng pagsiklab sa talamak na Gatroenteritis sa lungsod ng Baguio
LUNGSOD NG BAGUIO – Opisyal na idineklara ni Mayor Benjamin Magalong ang acute gastroenteritis outbreak sa lungsod sa isinasagawang Ugnayang Panlungsod noong Miyerkules, ika-10 ng Enero 2024.
Mariin na sinabi ng alkalde, “the 1,609 cases, then I would like to declare, officially that we have an outbreak of gastroenteritis here in the city”
Ipinag-utos ni Magalong kaninang umaga ang mas pinaigting na mga hakbang upang matugunan ang emergency na pangkalusugan na kinabibilangan ng pagsasagawa ng malawakang pagsusuri sa mga pinagmumulan ng tubig kabilang ang mga kumpanya ng pagde-deliver ng tubig at mga deepwell.
Kasama ang mga imbestigador ng Baguio City Police Office (BCPO) para tulungan ang Baguio City Health Service Office at mga tauhan ng Baguio Water District sa pagpapabilis ng data gathering at water testing operations sa isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang ugat ng pagtaas ng kaso.
Ayon kay City Epidemiology and Surveillance Unit, CHSO Dr. Donabel Tubera-Panes, “Simula alas onse ng Miyerkules ng umaga, Enero 10, 2024 ay nakatanggap kami ng kabuuang 1,609 na ulat ng insidente na may 218 apektadong establisyimento at 80 apektadong residente.
Pinayuhan ang mga food establishment na pigilin ang paghahain ng gripo at filter na tubig at magsilbi lamang ng purified water sa kanilang mga customer habang ang mga sambahayan ay sinabihan na gumamit ng purified water o pinakuluang tubig sa gripo at dalhin ang kanilang tubig kapag kakain sa labas.
Nagbigay rin ng paalaala si acting City Health Services Officer Dr. Celia Flor Brillantes kaugnay sa mga naapektuhan ng Loose Bowel Movement (LBM) kung paano maagapan ng paglunas at malaman ang mga sintomas.
Ang pagtatae ay tumatagal ng higit sa dalawang araw nang walang pagbuti. Labis na pagkauhaw, tuyong bibig o balat, kaunti o walang pag-ihi, matinding panghihina, pagkahilo, o madilim na kulay na ihi, na maaaring magpahiwatig ng dehydration. Matinding pananakit ng tiyan o tumbong.
“Dapat ang allowable ng pagtatae ng bata ay two days, kaya pag lumagpas pa ito ay huwag ng hintayin na ma dehydrate ang pasyente at agarin na painumin ng oresol at kelangan rin na maeksamin at pumunta sa pinakamalapit na health center para magkaron ng konsultasyon ng ating mga health workers,” ani Brillantes
Samantala, hindi pa masabi kung hanggang kailan ang effect ng outbreak, “That would effect kung na contain na natin, kailangan yun containment right now wala pa, nakikita natin na lumilipad pa kaninang umaga 1,490 ngayon umabot na tayo ng 1,609 kung titignan natin marami pa hindi nagreport nung nag umpisa ito noong December 21, 2023, kelangan makita natin slowly everyday at imo monitor natin,”
“Sa ating mga kababayan sa siyudad ng Baguio gayun na rin sa ating mga bisita rest assured na gagawin namin ang lahat kaugnay sa outbreak na ito magtiwala lamang kayo sa amin, hindi kami natutulog at talagang titiyakin namin kung saan galing ang source na ito at para ma-addressed na natin ang problemang ito,” pagtatapos ng alkalde ### Photos by: Mario Oclaman //FNS