MAY MAGANDANG BALITA SA AGRI! – IMEE

MAY MAGANDANG BALITA SA AGRI! – IMEE

Pormal na inilunsad ni Senadora Imee R. Marcos ang Young Farmers’ Challenge (YFC) Year 3 Huwebes, Setyembre 28 sa Coconut Palace sa Pasay City.

Ang Young Farmer’s Challenge ay adbokasiya ng senadora kasama ang ahensya ng Department of Agriculture (DA) para matulungan ang mga kabataan sa agrikultura.

Ang programang ito ay nagbibigay ng mga financial grant na aabot sa ₱300,000 sa mga mananalo.

Dahil naging matagumpay ang mga naunang Young Farmers Challenge, mayroon ng 4,500 na lalahok mula sa iba’t-ibang parte ng bansa para sa YFC Year 3.

Mula sa bilang na ito, 546 sa mga lalahok ang maaaring manalo ng ₱80,000 sa provincial category; 112 ang makakatanggap ng ₱150,000 sa regional category; at 12 sa mga lalahok ang mananalo ng grand prize na ₱300,000 para sa national category.

Sa ikatlong taon ng YFC, naglunsad ng dalawang bagong kategorya sina Sen. Imee R. Marcos at DA na eksklusibo para sa mga nanalo sa mga naunang YFC at sa mga estudyante mula sa state universities at colleges.

Ang YFC Upscale ay binuo para sa mga nanalo na sa Young Farmers’ Challenge kung saan titignan ang plano at diskarte para palakihin ang kanilang agri-business. Apat na pu’t walo (48) ang makakatanggap ng ₱300,000 para sa bagong kategoryang ito.

Isa pa sa bagong dinagdag para sa YFC Year 3 ay ang Inter-collegiate Competition na para naman sa mga estudyante mula sa iba’t-ibang state universities at colleges. Labing-anim (16) dito ang mananalo ng ₱150,000 bilang grand prize.

Sa gitna ng mga isyu sa patuloy na pagtaas ng presyo at mga importasyon, nasabi ni Senadora Marcos na, “Ang Young Farmers Challenge natin ang magandang balita sa agrikultura.”

Ayon sa senadora, “Marami pa tayong dapat gawin pero ayaw kong mawalan ng pag-asa dahil masyadong importante ito para mawalan ng sigla, mawalan ng pagsusumikap.”

Mananatiling masugid na taga-suporta ng kahit na anong may kinalaman sa agrikultura si Senadora Marcos, lalong-lalo na sa mga kabataan na aktibo sa pagdadala ng pagbabago para sa kinabukasan ng agrikultura ng ating bansa.

Ang suporta ng senadora sa sektor ng agrikultura ay dahil na rin sa paniniwala ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na ang niyog, tulad ng bigas, mais at iba’t-ibang sangkap ng pagkain ay hindi lamang pangbusog ng tyan kung hindi ay may kapangyarihang taglay na nagdudulot ng higit pa sa sustansya.

Madalas daw sabihin ni Apo Lakay na, “Kung pagkatao ang dinudulot ng bigas at ng pagkain; kung pagmamahal ay manggagaling din sa paghahati-hati ng meron; ang kalayaan ay makakamtan hindi sa gutom at hirap kung hindi sa malaya, maka-Diyos, mapagmahal na Pilipino. Kaya ang kalayaan din natin ay nakasalalay sa ating pagbubukid at pagtatanim.” ### (PR)

PRESS RELEASE