Makasaysayang pagtapak ni Marcos sa Tarlac, nagtapos sa away ng mga kulay sa lalawigan – Tarlac Mayor Angeles
MOVING FORWARD. Tarlac City Mayor Cristy Angeles declares the end of the fight between the red and yellow political parties following the visit of presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr and his running mate Inday Sara Duterte in the province for their campaign sortie on Saturday, April 2. Photo credits of BBM – SARA UNITEAM
HUDYAT na nang katapusan ng away ng mga kulay sa Tarlac ang pagtuntong nitong Sabado ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa lalawigan kasama ang kanyang UniTeam, na dinumog ng libo-libong taga-suporta.
Kilala ang Tarlac na balwarte ng pamilya Aquino simula pa noong panahon ni dating Senador Ninoy Aquino at kanyang asawa na si dating Pangulong Corazon Aquino, pero ngayon daw na tumapak si Marcos sa Tarlac ay pwede na raw masabi na hindi lamang para sa mga Aquino ang naturang lalawigan.
“Alam po ninyo, history in the making po ito. Isang Marcos tumuntong dito sa lungsod ng Tarlac,” ayon kay Mayor Cristy Angeles, ng Tarlac city Kasabay ng malakas at walang patid na sigawan ng mga taga-suporta ng BBM.
“Tapos na po ang mga away ng mga kulay. Nandito tayo ngayon para magkaisa ng tunay. Tama?” dagdag ng alkalde.
Kasabay nito, iginiit ni Angeles ang suporta ng kanyang lungsod kay Marcos at sa kanyang katambal na si Inday Sara Duterte kasama ang UniTeam dahil sa bitbit nitong pagkakaisa sa bansa.
“Mahal kong kababayan, mulat na tayo alam na natin kung ano ang nararapat para sa ating lahat. Kailangan natin ang pagkakaisa at ibibigay niya (Marcos) po yan sa atin,” ani Angeles sa harap ng maraming kababayan.
“Ipapakita natin ang suporta natin para sa kanila. Ipakita natin na dito sa Tarlac City tayo lahat ay nagkakaisa at nagtutulungan. Gusto natin ng magandang kinabukasan. Gusto natin na magkaisa na hindi lamang sa ating lungsod kundi sa buong Pilipinas,” dagdag ng mayora.
Nanawagan din ang alkalde na kalimutan na ang awayan ng kulay sa nakaraan at isulong ang pagkakaisa hindi lamang sa kanilang lalawigan kundi sa buong bansa.
“Tarlac City for BBM-Sara. Tapos na po yung nakaraan. Time to move on. Kalimutan na po ang mga nangyari noon sapagkat kailangan natin ang pagkakaisa para sa magandang kinabukasan,” ani Angeles. ###