MAGTALAGA NA NG SPECIAL ENVOY SA CHINA! – IMEE

MANILA – (Abril 23, 2021) Suportado ni Senador Imee Marcos ang patakaran ni Pangulong Duterte na huwag idaan sa kumprontasyon at sa halip ” itulak ang parehong adhikain ng China at iba pang bansang umaangkin sa Spratlys” para mapakalma ang tensyon sa seguridad sa West Philippine Sea.

Hinimok ni Marcos ang pangulo na agad magtalaga ng special envoy sa China para talakayin ang patuloy na presenysa ng Chinese militia sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

“Mas mainam kung miyembro ng Pamilya Duterte tulad ni Mayor Sara,” ani Marcos, na tinawag na “maka-Asyanong istratehiya” ang paglalapat ng personal na kaugnayan sa bilateral talks at para na rin masiguro ang tuwirang pagtalakay sa pangulo ng mga resulta.

Nirekomenda rin ni Marcos na magkaroon ng “verbal ceasefire” bilang panibagong hakbang” na kagyat na remedyo para mamayani ang mas may kabuluhan o may katwirang bagay kaysa manaig ang galit o panunuya

“Tama lang ang ating mga diplomatikong protesta, pero ang patuloy na pakikipagkumprontasyon ang nakakaabala at hindi isang mala-Asyanong pamamaraan ng pagresolba sa mga bagay na pinag-aawayan o di pinagkakasunduan,” diin ni Marcos, sabay rekomenda ng isang “verbal ceasefire” ng mga opisyal ng gobyerno.

Tinukoy ni Marcos na mga solusyon ang bilateral at multi-state negotiations na dapat “i-akyat ng gobyerno sa susunod na lebel,” tulad ng mga kasunduan sa pangingisda, mga eksplorasyon, paglaban sa krimen at pangangalaga ng karagatan sa pinag-aawayang mga maritime areas, at ang pagkumpleto na sa joint South China Sea Code of Conduct sa ASEAN state at China.

“Pinapakita ng Malaysia at Vietnam ang tamang paraan. Tinatapos na nilang buuin ang memorandum of understanding para sa magkasamang seguridad at paggamit ng maritime area sa mga pinagtatalunang isla,” pagtukoy ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na dapat ngang mapalawak ang polisya ng gobyerno ni Pangulong Duterte sa pagsusulong ng magkasamang interes, katulad ng matagumpay na pagkakalatag ng joint naval anti-terrorism force kasama ang Malaysia at Indonesia, kasunod ng nangyaring Marawi Siege.

“Bukod sa mga kasunduan sa pagitan ng mga miyembrong estado, dapat din isulong ng buong ASEAN ang joint Code of Conduct kasama ang China, hanggang sa ito’y matapos. Halos 20 years na mula nang ito’y isinulong. Tapusin na natin ASAP!,” giit ni Marcos.

“Ang binibigyang-diin ng foreign policy ay isulong ang magkatuwang na mga layunin sa halip na unilateral na mga interes, kung nais nating manatili ang pagkakaisa,” ani Marcos.

PRESS RELEASE