Landslide win ni BBM tiniyak ng Bulacan mayors
IDINEKLARA ng 19 na incumbent mayors at mayoralty candidates mula sa lalawigan ng Bulacan na mananalo si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pamamagitan ng landslide sa kani-kanilang lugar sa darating na May 9, 2022 national elections.
Ito ang naging garantiya ng mga nasabing alkalde sa kanilang pakikipagpulong kay Marcos sa kanyang punong tanggapan sa Mandaluyong nitong Biyernes.
Kaugnay nito, pormal ding iniabot ng mga alkalde ang kanilang pinirmahang manifesto ng suporta kay Marcos at sa kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte.
“Sa amin po iisa lang ang message. Panalo na, kaya lang di tayo puwedeng matulog. At the end of the day bantay pa rin,” pahayag ni incumbent Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr., at presidente ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter.
Kabilang sa grupo ng mga mayor na dumalo sina Christian Natividad ng Malolos, Vergel Meneses ng Bulakan, Amboy Manlapaz ng Hagonoy kasama ang kanyang asawa at mayoral candidate na si Flordeliza Manlapaz, Ferdinand Estrella ng Baliuag, Francis Albert Juan ng Bustos, at Henry Villarica ng Meycauayan.
Dumalo rin sina Ricardo Silvestre ng Marilao, Edwin Santos ng Obando, at ang kanyang asawa, Obando mayoralty candidate Esperanza Santos, Guiguinto mayoralty candidate Agatha Paula Cruz, Crispin Castro ng Pandi, Eladio Gonzales Jr. ng Balagtas, Jose Santiago Jr. ng Bocaue, Arthur Robes ng San Jose Del Monte City, Eric Tiongson ng San Miguel, Jocell Casaje ng Plaridel, Mary Ann Marcos ng Paombong, habang kinatawan naman ni Leo Nicolas si Norzagaray Mayor Ade Cristobal.
Pinasalamatan ni Marcos ang mga alkalde at mga kandidato sa pagka-alkalde sa kanilang pag-endorso at muling iginiit ang pangangailangang maging mas mapagbantay habang nalalapit ang halalan.
Sinabi rin ni Marcos na patuloy pa rin siyang nag-iikot sa bansa para mangampanya ngunit inaasahan niyang luluwag rin ang kanyang schedule sa mga darating na linggo sa pagpasok ng kampanya sa homestretch.
“Ako naman tuluy-tuloy pa rin ang lakad ko, pero mababawasan na dahil andito na tayo sa tinatawag na endgame,” “sabi ni Marcos.
Kinumpirma naman ng chief-of-staff at tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na nagsimula na ang training program ng PFP para sa mga poll watchers, at nagde-deploy na rin sila ng mga fully-trained volunteers sa buong bansa.
Ilan sa mga alkalde ng Bulacan ang nagsabi na si Marcos ay nangunguna sa isang internal survey sa buong probinsya kung saan siya ay nakakuha ng 61% na voter preference.
Ayon pa kay Mayor Christian Natividad, sa Malolos City, 62% ang nakuhang voter preference ni Marcos kumpara sa 18% ng kanyang pinakamalapit na karibal sa karerang pampanguluhan.
Hinimok din ni Marcos ang mga alkalde na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na lumabas at bumoto sa araw ng halalan, dahil ito ang paraan upang makilahok ang mga tao pagpili ng mga susunod na mamumuno sa bansa.
“Palabasin at hikayatin natin sila upang bumoto. Iyan naman talaga ang isa sa pinakaimportante sa darating na eleksyon,” dagdag pa ni Marcos.
Sa kabila ng mga magandang numero ni Marcos ayon sa mga ulat ng mga Bulacan mayors, nagpaalala pa rin ang dating senador na maging mapagmatyag upang mapigilan ang mga magtatangka na impluwensyahan ang resulta ng paparating na halalan.
“Alam natin kung ano ang kailangan ng tao. You have a good heart. You can really lead the country. All we have to do is support you, to let the people vote for you. For all of us here in our own districts, we have to make this campaign real,” ani Cong. Rida Robes ng nag-iisang distrito ng Lungsod ng San Jose Del Monte na kasamang nakipagpulong kay Marcos. ###