Lagdaan ng Memorandum ng Kasunduan para sa pagtatayo ng Programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program para sa wikang Inata
Isinagawa ang Lagdaan ng Memorandum ng Kasunduan para sa pagtatayo ng Programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program para sa muling pagpapasigla ng wikang Inata noong 19 Oktubre 2023 sa Brgy. Celestino Villacin, Cadiz, Negros Occidental.
Kasama sa mga lumagda sa kasunduan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Tagapangulo Arthur P. Casanova at Komisyoner Carmelita C. Abdurahman; Gobernador Eugenio Jose V. Lacson ng Negros Occidental; Mayor Salvador G. Escalante ng Lungsod Cadiz; Assistant School Division Superintendent Julito Felicano, CESE na kinatawan ng DepEd-Cadiz Superintendent Arlene Bermejo, CESO VI; Kapitan Arlene N. Verbo ng Brgy. Celestino Villacin, Cadiz; at IP Leader ng Komunidad ng Ata sa Sityo Manara, Garry Consing.
Ang wikang Inatá ay ang katutubong wika ng mga Atá. Sinasalita ito sa apat na komunidad ng mga Atá sa lalawigan ng Negros Occidental partikular sa bayan ng Cadiz, Sagay, Calatrava, at Salvador Benedicto. Batay sa pagtataya ng mga namumuno sa komunidad ng Sityo Manara, halos nása 10% o 30 miyembro na lámang ang nakapagsasalita ng kanilang katutubong wika sa kanilang komunidad at karamihan dito ay mga nakatatandang miyembro na lamang ng komunidad. Sa kasalukuyan, Hiligaynon at Sebwano na ang wikang ginagamit ng kanilang komunidad sa pang-araw-araw na pakikipag-usap. Sa tahanan, Hiligaynon din ang wikang ginagamit ng mga pamilya sa kanilang komunidad. Kaya naman, ito na rin ang unang wikang natutuhan ng kanilang mga anak.
Isang paraan upang mapangalagaan at muling mapasigla ang mga wikang nanganganib nang mawala gaya ng wikang Inata ay ang paglulunsad ng Language Immersion Program katulad ng Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP).
Noong araw ding iyon, ipinagkaloob sa mga Ata ang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) na pinangunahan ng Pambansang Komisyon sa mga Katutubong Mamamayan o NCIP Rehiyon 6 at 7. ### (PR)