KWF at ISPSC, Magkatuwang sa pagsusulong ng wika at kultura

KWF at ISPSC, Magkatuwang sa pagsusulong ng wika at kultura

Magkatuwang sa pagsusulong ng wika at kultura ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ang Ilocos Sur Polytechnic State College (ISPSC), ito ang ipinahayag ng dalawang institusyon sa nakalipas na Lagdaan ng Memorandum ng Unawaan sa Pagtatag ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, Malacañang Complex, Lungsod Maynila, 27 Pebrero 2025.

Dinaluhan nina Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng KWF; Dr. Christine N. Ferrer, Nanunungkulang Pangulo, ISPSC at Direktor IV, CHED-Rehiyon 1; Dr. Christian C. Gondeza, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, ISPSC; at Dr. Ranec Bruce A. Azarias, Director for Public Relations, Publication and Information, ISPSC.

Bukás-loob na tinanggap ni Dr. Casanova ang ISPSC bílang ika-42 SWK ng KWF na sa kasalukuyan ay may 22 SWK sa Luzon, 8 SWK sa Visayas, at 11 SWK sa Mindanao.  Ipinaabot ni Tagapangulong Casanova ang lubos na pasasalamat kay Dr. Ferrer sa pagpapaunlak na magkaroon ng SWK sa ISPSC na magiging katuwang sa pagpapaunlad ng wikang pambansang Filipino at wikang Ilokano.

Binanggit si Dr. Casanova na magiging kaagapay ang ISPSC sa paglinang ng wikang Ilokano at pagtahak sa pagpapayaman ng kulturang Pilipino na isinusulong ni Senador Loren Legarda kabilang ang pagmamapang kultural.  Idinagdag pa niya na magiging malawak ang tungkulin ng SWK sa ISPSC sa pagpapayaman ng kulturang Pilipino.

Naniniwala naman si Dr. Ferrer na sa pamamagitan ng paglagda ng kasunduan sa paglatag ng SWK, isang institusyong magsisilbing tulay upang mapalaganap at mapagyaman ang ating mga wika at mga tradisyon, partikular na ang mga kaugalian at kultura ng Ilocos.

“Sa pamamagitan ng SWK, magkakaroon tayo ng mga sentrong magsusulong at magpapalakas ng mga lokal na wika at kultura sa bawat rehiyon, lalawigan, at bayan. Makaaagapay ang SWK sa mga adhikain ng KWF upang patatagin ang pamanang kultural at maisakatuparan ang mga layunin ng wika at kultura sa ating mga komunidad. Ang SWK ay magsisilbing isang plataporma upang magamit ang Filipino bilang pangunahing wika sa mga saliksik, lalo na sa mga lárang ng akademya, na may layuning itaguyod ang mas malalim na kaalaman sa ating mga sining, kultura, at tradisyon,” dagdag pa ni Dr. Ferrer.

Hinimok naman ni Tagapangulong Casanova ang SWK sa nabanggit na kolehiyo na magpunyagi sa pagsasamapa ng mga kultural na pamana kabilang ang tangible at intangible cultural heritage. Idinagdag pa niyang pagsumikapan ang pagmamapa ng wika at panitikan at umaasa siya na magiging malawak pa ang ugnayan ng KWF at ISPSC sa mga susunod na panahon sa pamamagitan ng mga proyektong may kaugnayan sa panitikang Ilokano kabilang ngunit hindi limitado sa oral na tradisyon.

Ayon kay Dr. Ferrer, ang Sentro ng Wika at Kultura ay magiging isang mahalagang hakbang sa pagpapaigting ng ating pagmamahal at pag-unawa sa ating identidad bilang mga Pilipino. Inaasahan din niya na mas mapalalawak ang kaalaman ng bawat isa, lalo na ng mga kabataan, hinggil sa kahalagahan ng wika at kultura sa ating pang-araw-araw na búhay.

Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ang sangay na panrehiyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ipinahihiwatig mismo ng bagong pangalan ang bago at higit na malawak na oryentasyon ng Sentro sa ilalim ng pangangasiwa ng KWF. Bukod sa mga gampaning pangwika, ang Sentro ay inaasahang lumahok at kung maaari ay manguna sa pagsusulong ng mga katangiang pangkultura ng pook (bayan, lalawigan, o rehiyon) na kinalalagyan nito. ###

PRESS RELEASE