KWF at DOJ, Magsasagawa ng Seminar-Palihan hinggil sa FSL

KWF at DOJ, Magsasagawa ng Seminar-Palihan hinggil sa FSL

Magsasagawa ng Seminar-Palihan hinggil sa Filipino Sign Language (FSL) ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Kagawaran ng Katarungan (DOJ) sa Marso para sa mga prosecutor, abogado, at kawani ng Public Attorney’s Office (PAO) para mas maging mataas ang kanilang sensibilidád sa pakikipag-ugnay sa mga Person With Disability (PWD) partikular sa Deaf Community.

Napag-usapan niná Tagapangulong Arthur P. Casanova, DOJ Assistant Secretary Randolph A. Pascasio, DOJ Assistant State Prosecutor Joan N. Uberita, at Peter Wald C. Saguirel II ang mga programang maaaring gawin ng DOJ hinggil sa FSL.

Nais ng DOJ na mas maging mataas ang kanilang kamalayan sa pakikipag-usap at pakikitungo sa mga bingi, ito man ay akusado o kliyente na makatutulong upang magampanan nila nang lubos ang kanilang tungkulin at makausap ang mga bingi na maiwasan ang “loss of translation.”

Ang KWF ay makikipag-ugnayan sa mga eskperto sa Philippine Federation of the Deaf (PFD) para maisagawa ang komprehensibong seminar-palihan sa DOJ. Isa sa mga planong programa na iniharap ay ang matuto ng FSL ang mga kawani ng DOJ at ang KWF ay tutulong sa ahensiya para sa mga serbisyo ng mga ekspertong FSL interpreter na kanilang kakailanganin sa mga darating na panahon.

Ang hakbang na ito ay kaugnay sa R.A. 11106, An act declaring the Filipino Sign language as the national sign language of the Filipino deaf and the official sign language of government in all transactions involving the deaf, and mandating its use in schools, broadcast media, and workplaces” o ang The Filipino Sign Language Act.

Dumalo sa pulong sina Lourdes Zorilla-Hinampas, Punò ng KWF Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika, Earvin Pelagio, Focal Person ng FSL, at Budz Bragante, Punò ng KWF Sangay ng Pangasiwaan at Pananalapi (SPP).### (PR)

PRESS RELEASE