IMEE: MGA BROWNOUT, WAKE-UP CALL SA MALAYANG PAMUMUHUNAN NG MGA DAYUHAN
MANILA – (June 1, 2021) – Isinulong ni Senador Imee Marcos na agad ipasa ang amyenda sa Foreign Investments Act (FIA) sa gitna ng biglaang kawalan ng kuryente sa Luzon sa kasagsagan ng panahon ng tag-init.
Iginiit ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na ang malayang pamumuhunana ng mga dayuhan sa sektor ng enerhiya ang makapagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa lumalaking pangangailangan ng bansa dahil sa pagdami ng populasyon at climate change.
“Ang mga kawalan ng kuryente ay klarong wake-up call o panggising sa atin para lahat tayo’y gumawa na ng paraan bago pa lumala ang sitwasyon. Sa totoo lang, ang lumalaking pangangailangan natin sa enerhiya ay makakahalina sa pag-invest sa atin ng ibang bansa,” ani Marcos.
Pabor si Marcos sa mas liberal o malayang pamumuhunan, kabilang ang pagpapahintulot sa mas malaking porsyentong pag-aari ng mga dayuhan at pagbaba sa capital requirements o minimum na puhunan sa ilang mga industriya.
Ang Senate Bill 1024 ni Marcos ay isa sa tatlong panukala na nakapaloob sa Senate Bill 1156 na layuning amyendahan ang Republic Act 7042, o ang Foreign Invesment Act of 1991, at nakasalang sa interpellation o pagbusisi ng mga senador hanggang sa linggong ito bago ang mag-recess ang Kongreso.
Sa plenaryo nitong nakaraang Lunes, iginiit ni Marcos na ang amyenda sa FIA ay kailangang sumentro sa pagtugon sa “non-fiscal incentives na madalas na hirit ng mga dayuhang investor,” na tumutukoy sa kawalan ng imprastraktura at inter-modal transport, mahal na singil sa kuryente, mahinang wifi, at sa “kawalan ng maluwag na pagnenegosyo” kumpara sa mga kapitbahay nating bansang ASEAN.
Dagdag pa ni Marcos, dapat maisabatas din ang isang national security review sa bawat dayuhang mamumuhunan sa mga public utilities, para maiwasan ang mga panlabas na pakikialam na nakapipilay lang sa ekonomiya ng ating bansa. ###