IBP-Isabela Chapter nagsagawa ng Legal Aid Service at nagbigay ng Industrial Fan sa BJMP-Roxas

IBP-Isabela Chapter nagsagawa ng Legal Aid Service at nagbigay ng Industrial Fan sa BJMP-Roxas

Mga larawang kuha ni Mae Barangan

SAN MATEO, Isabela– Hindi alintana ang nararanasang mataas na temperatura sa ilang mga opisyal at miyembro at mga bagong abogado na kabilang sa Integrated Bar of the Philippines-Isabela Chapter (IBP-Isabela) sa kanilang isinagawang maikling programa at Legal Aid Service para sa mga Persons Deprived of Liberty sa Bureau of Jail Management and Penology sa Bayan ng Roxas, Isabela noong Abril 13, 2024.

Maliban sa Legal Aid Service ay nagbigay din ang IBP-Isabela ng food packs, dalawang Industrial Fan, dalawang Stand Fan at mga medisina na ibinigay ng Sevillena Hospital.

Ayon kay Atty. Lucky M. Damasen, ang president ng IBP-Isabela Chapter, noong unang pagkakataon na ninais nilang magsagawa ng programa dito ay hindi sila nakapasok dahil sa pandemya. Gayunpaman ay nagbigay pa rin sila ng mga ayuda.

Sa kasalukuyan, galing umano sa nalikom na pera mula sa “Takbo para sa Hustisya” Fun Run na isinagawa sa Santiago City noong Marso ang ginagastos sa pagbibigay ng tulong sa iba’t-ibang BJMP sa lalawigan ng Isabela. Aniya, natapos na ang pagbibigay nila sa BJMP-Santiago City at BJMP-San Mateo.  

“Kami po ay magbibigay ng libreng konsultasyon at advice po. Sa inyo po na may mga suliranin, o gusto pong magtanong upang mapabilis po ang inyong paglaya o mapabilis ang pagtakbo ng inyong kaso. Iyon po ang pinakamahalaga na dahilan kung bakit po kami nandirito ngayon”, ika ni Damasen.

Kanya ring sinabi na ang Legal Aid Service na kanilang ginagawa ay bahagi ng Jail Decongestion na programa ng IBP National.# Mae Barangan

Mae Barangan