Hontiveros sa DOH, IATF: Pangakong 90k COVID-19 tests kada araw, nasaan?
MANILA – (June 1, 2021) – Muling nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Health at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na abutin ang dati nang naipangakong target na 90,000 COVID-19 tests kada araw. Bunsod ito sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t-ibang probinsya sa labas ng National Capital Region.
Noong Marso 30, ayon mismo kay Testing Czar Vince Dizon, target ng gobyerno na makapagtest ng 90,000 tao araw-araw.
Ngunit ngayong Mayo, pumalo lamang sa humigit-kumulang 42,866 ang nate-test kada araw.
Ayon rin sa pinakahuling ulat ng DOH, ang positivity rate ng bansa ay nasa 11.7%, na napakalaki kumpara sa 5% threshold na tagubilin ng World Health Organization.
“Yung mga targets ba ay talagang inaabot o pinapangarap lang? Nakakahiya na sa taumbayan. Alam naman ng IATF ang bilang ng tests na dapat magawa, pero bakit hindi nila tinototoo? Kung nagkaroon sila ng isang salita, naagapan sana ang matinding pagtaas ngayon ng mga kaso ng COVID sa ating mga probinsya,” ayon kay Hontiveros.
Ayon rin sa DOH, halos siyam sa 11 rehiyon sa bansa ang kasalukuyang nakikipagbuno sa biglaang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar. Humingi rin ng mas mahaba at mataas na community quarantine level ang ilan sa mga opisyal ng mga probinsyang apektado. Kaya ayon kay Hontiveros, dapat nang maging mas agresibo pagdating sa pagpapatibay ng kakayahan ng bansa pagdating sa mass testing upang matugunan ang matinding krisis pangkalusugan at ekonomiya.
“Kung anu-ano nang letra ang sinuyod ng IATF sa alphabet para lang sa iba’t-ibang uri ng community quarantine, ngunit hindi naman nila naihanda at napalakas ang suporta para sa ating local government units pagdating sa mass testing. It is obvious that every day we don’t hit our targets adds considerable burden on our already overwhelmed health care system. Mas mapapatagal din ang pagbubukas ng ekonomiya,” ayon sa senadora.
Dati na ring nanawagan si Hontiveros para sa isang opisyal na national mass testing system upang mas mapabilis at mapadami pa ang natetest sa bansa. Ayon sa kanya, nagawa ng ibang bansa na pababain ang mga kaso ng COVID bago pa man dumating ang mga bakuna, dahil pinaigting nila ang mga pangunahing hakbang laban sa pandemya: Test, Trace, Isolate (TTI). Kaya ayon sa senador, ang pagkakaroon ng isang national program para sa mass testing ay isang long term investment.
“We need a national mass testing system that would prevent us from drifting so far away from our own goals. Testing ang unang-unang makakatulong para maampat ang transmission ng coronavirus. Kapag maayos ang testing system, maiaangat rin ang iba pang hakbang, tulad ng trace, isolate, at syempre, vaccinate,” ayon kay Hontiveros.
Ayon din sa senador, dapat tigilan na ng administrasyon ang paulit-ulit na pagpapalit nito ng sarili nilang mga target “upang magpalusot.”
“Kapos sa ayuda. Kapos sa bakunahan. Kapos sa mass testing. Pero pagdating sa dami ng pangako, sobra-sobra. Uso namang magkaroon ng accountability. Ipakita nilang may balak silang sugpuin ang COVID sa lalong madaling panahon. Tama na ang mga pangakong puro napapako,” pagtatapos ni Hontiveros. ###