Hontiveros pumalag sa babala ng NGCP ng panibagong dagdag-singil sa kuryente
Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros ang napaulat na babala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng masundan pa ang naunang dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan kung patuloy itong kokontrata ng reserbang kuryente.
Ang itinuturong dahilan ng NGCP sa naturang pagtaas ay ang kasabay na mas malaking gastos sa ancillary services (AS) at ang pagsunod nito sa patakaran ng Department of Energy (DOE) na pumasok lang sa firm contracts.
“Saan kumukuha ng lakas ng loob ang NGCP? Nasa hearing at on the record na walang magiging pagtaas sa singil kahit na mag-engage sila sa ‘firm’ contracts. Paanong ngayon ay sila pa ang nananakot?,” tanong ni Hontiveros.
“Tila hindi na kinikilala ng NGCP ang awtoridad ng Energy Regulatory Commission na magtakda sa singil sa kuryente pati na ang Department of Energy na tagapamahala sa buong industriya,” aniya.
Palaisipan din sa Senadora ang katahimikan ng ERC at DOE ukol sa bagay na ito, gayong sa nakalipas na pagdinig sa Senado ay hayagan nilang kinontra ang posisyon ng NCGP na magtataas ang presyo ng kuryente kung kokontrata ito ng mas malaking reserba at kung gagawing firm ang lahat ng kanilang kontrata para sa AS.
“Nakakapagtaka na sa kabila ng pagtanggi sa cyber security audit at inspection, pagsingil at pagpasa sa konsyumer ng kung anu-anong expenses at ang pagpayag na mabigyan ng halos dobleng kita sa pamamagitan ng Weighted Average Cost of Capital ay walang magawa ang ERC o DOE. NGCP has always gotten its way despite its glaring violations. Paano at bakit hinahayaan ito ng ERC?,” ani Hontiveros.
Matatandaang bago ang pahayag ng NGCP sa posibleng pagtaas muli ng singil sa kuryente, kinuwestiyon din ni Hontiveros ang dagdag-singil ng Manila Electric Co. (Meralco) nitong buwan at nanawagan na suspendihin ang anumang dagdag-singil hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon sa rotational blackout.
Binigyang diin ni Hontiveros na dapat pa ngang bumaba ng hindi bababa sa P2.00 per kilowatt-hour (kWh) ang presyo ng kuryente sa bansa kung ang Weighted Average of Capital Cost (WACC) ng NGCP at Meralco ay ilalagay lang sa tamang antas.
Nauna rito, naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 746 na umaapela sa Senado na imbestigahan ang kabiguan ng mga ahensya ng gobyerno na mapababa ang singil sa kuryente, 20 taon matapos maisabatas ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Bakit kapag magtataas ng singil ay ora-orada pero kapag naman pagpapababa ng kita ang usapan ay tila inaabot ng siyam-siyam? Our consumers deserve better and more. Umaasa akong mabibigyan ng hustisya ang bawat Pilipinong nagsisikap sa araw-araw may maipambayad lang sa kanilang electricity bill,” pagtatapos ni Hontiveros. ###