Hontiveros pinababawi sa Malacañang ang Executive Order na nagpapababa sa taripa ng imported na Bigas

Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Malakanyang na bawiin ang Executive Order na nagpapababa sa taripa sa imported na bigas. Ayon sa Senadora, dagdag-pasanin ito sa ating mga magsasaka na nakaranas na ng pagkalugi at patuloy na naghihirap dahil sa mababang mga kita mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law.

“Hinihimok ko ang Malakanyang na bawiin ang EO 135. Kung bababaan ang taripa sa imported na bigas, madidiskaril ang ating byahe patungo sa pagbawi sa rice production at pagbawi sa kita ng ating local rice sector,” aniya.

“Kung tumataas ang presyo ng bigas sa world market, ibig sabihin mas maraming bibili ng lokal na produksyon, maibabalik nito ang mga nawalang trabaho o kita dahil sa naunang pagbagsak ng presyo ng palay dahil sa implementation ng Rice Tariffication Law (RTL). Mabagal man, kahit paano ay nakakabawi ng kaunti ang ilan sa  mga magsasaka, huwag na sana pigilan pa ang tuloy-tuloy nilang income recovery,” dagdag pa ni Hontiveros.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado ang Executive Order No. 135 na nagpapababa ng taripa sa Most Favored Nation (MFN) para sa imported na bigas mula 40% hanggang 35%.

Giit ng Senadora, hindi dapat mangamba sa kasalukuyang presyo ng bigas dahil may kapasidad ang ating magsasaka para mag-ani ng sapat na suplay ng bigas. Dagdag niya, marami sa mga magsasaka ang patuloy na nagtatanim ng bigas sa kabila ng napakababang kita.

“Tumaas ang rice production sa bansa. Ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay nakakapagpondo ng binhi at pataba na siyang nagpapalakas ng produksyon sa ilang mga lugar na may irigasyon,” aniya.

“Kaya hindi nakakabahala ang presyo ng bigas dahil mayroon tayong sapat na suplay. Hindi na kailangang ibaba pa ang taripa,” dagdag pa ni Hontiveros.

Paliwanag ni Hontiveros, malaking tulong ang dagdag na kita mula sa nakolektang taripa para mapondohan ang RCEF. Ito aniya ang ginagamit para suportahan at mapalawak pa ang mga lugar pagsasaka na benepisyaryo ng Department of Agriculture production assistance. Dahil dito, napapanatiling sapat ang suplay ng bigas at tama ang presyo nito.

“Malaking tulong ang additional earnings mula sa nakokolektang taripa para pondohan ang mga programa ng DA para sa pagpapaunlad ng pagsasaka. Huwag na sana nating bawasan pa at ipagkait ito lalo sa local rice farmers na hindi pa naaabot ng mga programa,” ani Hontiveros.

Binigyang diin ni Hontiveros na higit sa presyo ng bigas, trabaho at kabuhayan ng ating mga lokal na magsasaka ang mga isyu na kailangan munang pagtuunan ng pansin lalo’t patuloy na humaharap ang bansa sa pagbagsak ng ekonomiya.

Sinabi pa ni Hontiveros na kung ang economic managers ay nag-aalala tungkol sa inflation, dapat nilang bigyang-pansin ang transportasyon na siyang dahilan ng pagtaas nito. “Mukhang misplaced ang mga prayoridad ng mga economic manager. Kung talagang nag-aalala sila, dapat simulan nilang tingnan ang gastos sa transportasyon na siyang nagpapataas sa presyo ng mga bilhin,” aniya.

“Bakit hindi unahing solusyunan ang limitadong public transport na nagpapamahal sa pag-angkat ng mga goods and services? Imbes na babaan ang taripa sa imported na bigas, dapat tugunan nila ang problema sa PUV modernization program, sa kumplikadong proseso ng pagrerenew ng permit to operate at inter-LGU mobility restrictions,” paliwanag ni Hontiveros. 

“Huwag sana nating hayaan na matulad ito sa isyu ng pork importation. Sa panahong naghihirap ang bansa, mas kailangan ng suporta at mga programa para sa mga lokal na industriya, kasama na ang rice industry. Unahin muna natin ang kapakanan ng ating magsasaka at ang pagpapayabong ng lokal na agrikultura,” pagtatapos ng Senadora. ###

PRESS RELEASE