Goodbye sa karagdagang ‘AYUDA,’ PPE, at COVID-19 vaccines – IMEE
Kinondena ni Senador Imee Marcos ang pamimilay ng Department of Agriculture (DA) sa abilidad ng gobyerno na itaas ang kinakailangang kita para makaagapay sa dobleng dagok ng African Swine Fever (ASF) at Covid-19.
Inakusahan ni Marcos ang DA na nagbigay ng “kwestyonableng payo” kay Pangulong Duterte dahilan para lagdaan nito ang Executive Order 128 noong Miyerkoles, na nagtataas sa dami ng mga aangkating baboy at nagtatapyas sa taripa para tugunan ang kapos na supply dahil sa ASF.
“Akala ko ba naghahanap tayo ng pera? Asan ang pinagmamalaking whole-of-government approach?” tanong ni Marcos.
“Magtatapon lang tayo ng Php11.5 billion na ‘ayuda,’ bakuna, at PPE (personal protective equipment) at ikakanal ang mga lokal na magbababoy, sa isang iglap,” ani Marcos dahil sa posibleng mawala bunsod ng pagbaba ng taripa sa karne.
“Habang sinisiguro ng DA ang iskandalosong kita para sa pork importers, iniwan naman nilang nakatiwang-wang ang plano para sa mga lokal na magbababoy na dapat sana ay pino-protektahan nila. Kakarampot ang suporta ng DA para sa livestock industry na nilaanan ng P1.5 bilyon sa kanilang 2021 badyet, kahit noon pang 2019 naka-amba ang banta ng ASF,” kastigo ni Marcos.
Suportado ng EO ang rekomendasyon na ipinadala kamakaylan ng Ehekutibo sa Kongreso para itaas ang minimum access volume (MAV) ng aangkating baboy sa 350,000 metriko tonelada (MT), o nasa 6.5 na beses sa kasalukuyan nitong limitasyon na 54,210 MT, na may kabuuang 404,210 MT.
Ang mga taripa sa importasyon sa loob at labas ng MAV ay mababawasan mula sa 30% tungo sa 5% at 40% tungo sa 105 sa loob ng unang tatlong buwan matapos na maging epektibo ang EO, at itataas ng tig-5% sa susunod na siyam na buwan.
Sinabi ni Marcos, pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, na isusuko ng EO 128 ang food security ng Pilipinas sa mga dayuhang producers at exporters habang mapipilitan ang mga lokal na magbababoy na magbenta ng palugi.
“Ang patataas ng importasyon ng baboy ay magbibigay ng pansamantalang remedyo sa mga konsumer pero doble ang magiging dagok nito na pangmatagalan ang negatibong epekto sa ating mga hog raiser,” ani Marcos.
“Malinaw, na ang mga benepisaryo ng EO ay mga foreign producer, foreign exporter, local pork importer at maaaring maging ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno na nagbebenta ng lisensya sa importasyon,” patuyang inihayag ni Marcos.
“Hindi kakayanin ng mga local hog raiser ang kumpetisyon sa mga importer. Karamihan pa naman sa kanila ay backyard raisers na baka mag-desisyon na lang na magsara kaysa ibenta sa paluging presyo, kundi ay talo sila,” paliwanag ni Marcos
Sa April 1 na ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations ay lumabas na apektado ng African Swine Fever ang mga Pilipinong magbababoy sa 12 rehiyon, 40 mga probinsya, 466 na mga lungsod at munisipalidad at 2,425 na mga komunidad.
Hindi pa nag-deklara ang gobyerno ng state of calamity bunsod ng ASF, dahilan ng delay sa paglabas ng mas maraming pondong pantulong sana sa ating lokal na mga magbababoy.
“Papaano naman makapagbebenta ng mas mababang presyo ng karne ang ating mga magbababoy na ibibiyahe mula sa mga probinsya papunta ng Metro Manila kung wala silang natatanggap na subsidiyang ipinangako ng DA noong Pebrero?” pagdidiin ni Marcos.
Sa ginawang survey ng opisina ni Marcos sa mga palengke sa Metro Manila, umaabot sa Php370 hanggang Php406 ang presyo ng kasim at liempo, lampas sa mga price ceiling na P270 at P300.
Inihayag din ni Marcos na kamakailan ay binigyan ng gobyerno ang pork importers ng mas malaking tiyansang kumita sa pagtataas ng suggested retail price (SRP) ng imported na karne sa P350.
“Bakit mas pinapaburan ng DA ang mga importer? Dalawang buwan nang nananawagan ang mga lokal na magbababoy ng SRP na P339 hanggang P360,” diin ni Marcos. ###