“GALAW-GALAW”: HONTIVEROS, HINIMOK ANG DOE, NGCP NA AKSYUNAN ANG MALAWAKANG BLACKOUTS
Photo courtesy from the Office of Senator Risa Hontiveros
Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Energy (DOE) at ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na pag-ibayuhin at maagap na tugunan ang napipintong krisis sa kuryente sa bansa.
“Taon-taon na lang problema ang blackouts at kakulangan ng suplay. Taon-taon na rin pinananawagan sa DOE at NGCP na kumilos sila pero bakit parang wala pa ring nangyayari? Both of these agencies should step up and put an end to this energy crisis once and for all,” ani Hontiveros.
Idinagdag niya na dapat maging tapat at transparent ang DOE at NGCP sa tunay na sitwasyon ng suplay at singil sa kuryente sa mga darating na araw kasunod ng hindi inaasahang blackout sa buong Luzon at Visayas dahil sa naging problema sa Bolo-Masinloc transmission lines ng NGCP.
“Expectation vs. Reality. Dapat maging tapat ang DOE at NGCP tungkol sa kondisyon ng power supply at ano ang aasahan ng milyun-milyong konsyumer sa mga susunod na araw at buwan. Baka mangako na naman na gaganda ang sitwasyon pero puro blackouts at taas-singil pa rin. Our consumers deserve to be informed and notified. Hindi bibiglain na naman.,” ani Hontiveros.
Hindi lamang naapektuhan ng aberya ang supply sa Luzon, kundi pati na rin ang Visayas, na numinipis na rin ang suplay ng kureynte mula noong nakaraang linggo. Kinailangan ng Manila Electric Company (MERALCO) na magpatupad ng manual load dropping, dahilan para ilang minutong mawalan ng kuryente ang maraming lugar. Nasuspinde rin ang kalakalan sa WESM.
Ayon kay Hontiveros, lumilitaw na pinasakay lang ang Senado ng mga opisyal ng sektor ng enerhiya, partikular na si Secretary Lotilla, na tiniyak na mananatiling sapat at natatag ang suplay ng kuryente sa bansa, ngunit tila salungat ito sa kasalukuyang sitwasyon. .
“Either the energy officials or the entire power system itself, is suffering from integrity problems. Mayroon nang reseta na noon pa na-prescribe para lutasin ang parehong problema ng suplay at reserba pero hindi sinusunod. Pangakong napako na naman,” ayon sa Senador.
Nagbabala pa ang Senador na ang kakulangan sa kuryente na dulot ng paparating na El Nino at ang magiging resulta ng deficit outputs sa Malampaya at hydroelectric projects ay magkakaroon ng negatibong epekto sa mga presyo.
“Magkakambal ang problema sa suplay ng kuryente at taas-singil. Ang nakakadismaya ay dalawa lang ang pagpipilian ng konsyumers – blackouts o dagdag na singil. The consumers should not be forced to choose between two unpleasant alternatives. Isa lang ang dapat ibigay sa atin gaya ng ipinangako —an affordable and reliable supply of electricity,” ani Hontiveros.
Nagpahayag din ang Senador ng pagkabahala na ang lumalalang krisis sa kuryente ay magagamit bilang basehan na ang nuclear power ang tanging solusyon sa mga problema sa suplay.
“Nagbibigay lang ito ng pagkakataon na maipuslit ang nuclear option sa bansa at sabihing ito ang mabilisang solusyon sa problema. Hindi ito ang dapat bigyang-prayoridad dahil kahit sa United States ay hindi minamadali ang roll out ng small modular reactors dahil sa mahigpit na regulasyon ng mga estado,” ani Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, sa halip na isama ang nuclear power sa kasalukuyang power mix na hindi man lang mapamahalaan ng maayos, dapat unahin ng gobyerno ang mabilis na pag-unlad at pag-deploy ng mga distributed renewable energy system na mas ligtas at mas matatag na pagmumulan ng enerhiya. ### (PR)