Face-to-Face classes, ibalik na; Mga bata at nanay, multo na sa pinahabang distance learning
Nagmistulang zombie na ang mga bata, mala-bampira na ang mga nanay at guro dahil sa lampas nang isang taon na distance learning, ani Senador Imee Marcos.
“Ito ang nakakatakot na epekto ng pandemya – ang paunti-unting pagpatay sa kaalaman at mental, emotional at social na kakayahan ng mga batang estudyante pati na rin sa pagpapaubaya at simpatya ng pagod nang mga nanay at mga guro na tinatapos ang kanilang mga gawaing bahay at opisina kahit gabing-gabi na,” hinaing ni Marcos.
Sa harap nito, pabor si Marcos sa itinutulak ng Department of Education, Commission on Higher Education, at National Economic Development Authority sa pag-arangkada ng face-to-face classes sa madaling panahon sa mga lugar na mabagal naman ang paglaganap ng Covid-19.
“Ang distance learning ay isang stopgap measure, at hindi pangmatagalang solusyon para sa edukasyon sa panahon ng pandemya. Nalalagay sa peligro ang mga estudyante na maging bahagi ng henerasyon na mawawalan na ng interes sa pag-aaral, ambisyon at pagiging positibo at hindi na rin magiging produktibo. Kailangan rin ng ating mga nanay at mga guro na manumbalik ang kanilang balanseng buhay at pagtatrabaho,” diin ni Marcos.
Una nang iginiit ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na ang mga eskwelahan ang dapat pinakahuling magsasara at unang dapat na magbukas, babala sa epekto sa buhay ng buong henerasyon ng mga kabataan, lalo na sa mga mahihirap.”
Samantala, tinaya ng World Bank ang pagsasara ng mga eskwelahan na tumagal ng limang buwan ay magreresulta sa pagkawala ng 0.6 na taon ng pag-aaral, habang sa kalkulasyon ng NEDA, ang isang taong kawalan ng face-to-face classes ay maaaring magresulta sa Php11-trillion na pagkalugi sa productivity o kontribusyon sa ekonomiya sa susunod na 40 taon.
“Walang bagay na hindi kakayaning ipatutupad dito sa ating bansa,” ani Marcos na tumutukoy sa mga pagbabago sa pagtupad ng face-to-face learning na ginagawa na sa buong mundo; kabilang ang pagsisimula at pagtatapos ng mga klase araw-araw na hindi sumasabay sa rush hour para maiwasan ng mga estudyante na makisiksik sa mga pampublikong mga sasakyan, pagtapyas ng araw at oras ng klase, pagbabawas ng bilang ng mga estudyante sa isang klase na may tamang layo ng mga upuan o mga school desk, paggamit ng mga open-air na lugar katulad ng mga covered-court bilang silid-aralan, pananatiling bukas ang bintana at mga pintuan ng mga silid-aralan para sa tamang bentilasyon, hindi sabay-sabay na break time ng mga estudyante para mamintina ang physical distancing.
“Ang istriktong pagsunod sa mga patakaran ng ‘new normal’ ay isang malaking hamon pero kaya naman,” dagdag pa ni Marcos: partikular ang tamang pagsusuot ng mga face mask sa lahat ng oras, pagpapanatili ng distansya ng mga guro kapag nagtuturo ng bagong leksyon, pananatili sa quarantine sa itinakdang panahon sakaling magkasakit ang isang estudyante at kanyang pamilya, paglilimita sa inter-aksyon sa loob ng isang nakatalagang grupo o ‘student bubbles’ para mas madaling maihiwalay ang mga posibleng magkalat ng virus na hindi na nangangailangan pang isara ang isang eskwelahan.
“Maraming estudyante mula sa mahihirap na pamilya ang wala pa ring magamit na gadget o hindi kayang magbayad para magkaroon ng internet para sa online learning at napupwersang hindi na muna mag-enroll para maghanap ng trabaho, habang ang mga nanay naman na personal kong kakilala ay isinuko na o iniwanan ang kanilang mga trabaho para masubaybayang mabuti ang online learning ng kanilang mga anak, at nagpapatuloy ang mga guro sa pagsisikap na pagsabayin ang mas maraming trabaho na kanilang kaya,” banggit pa ni Marcos.
“Huwag tayong magbulag-bulagan sa umiiral na digital divide. Umaasa akong pakikinggan ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases) ang mga sinasabi ng ating mga eksperto sa edukasyon at mga economic manager na ginagawa na sa buong mundo,” dagdag pa ni Marcos. ###