Dumaló sa webinar hinggil sa dokumentayong pangwika

By KWF

LUNGSOD MAYNILA, Peb. 10 — Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga mananaliksik, guro, mág-aarál, at may interes sa wika at kultura ng kanilang komunidad sa Lágsik-Wika: Serye ng Webinar sa Pagdodokumento ng mga Katutubong Wika. Ang webinar na ito ay bahagi ng programa ng KWF na pangalagaan at pasiglahin ang mga nanganganib na wika; at paghahanda sa International Decade of Indigenous Languages (IDIL) 2022–2032.

Gaganapin ang webinar sa 22 Pebrero 2021, Lunes, ganap na ika-10:00 ng umaga sa Google Meet. Limitado ang bílang ng maaaring makadaló.

Ang lágsik ay salitâng Sebwano na ang ibig sabihin ay siglá. Layunin ng webinar na lalo pang pasiglahin ang larang ng dokumentasyong pangwika, at mapukaw ang interes ng mga kalahok na maidokumento ang wika ng kanilang komunidad. Apat na panayam ang magaganap sa buong taon na magbabahagi ng mga napapanahong dulog at estratehiya sa pagdodokumento ng wika gámit ang mga karanasan sa isang partikular na wika at/o komunidad.

Para sa mga tanong o paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan kay G. Kirt John C. Segui sa numerong 09566157774 o mag-email sa kjsegui@kwf.gov.ph. (KWF)

PRESS RELEASE