Dulaan sa Isla: Baryo Teatro sa Dularawan ngayong Setyembre, Buwan ng Malikhaing Kabuhayan (Philippine Creative Industries Month)
BOAC, Marinduque – sa Pagdiriwang ng Buwan ng Malikhaing Kabuhayan o Philippine Creative Industries Month ay dadalhin ng Marinduque State University (MarSU) Bachelor of Culture and Arts Education (BCAED) Baryo Teatro ang isang maikling dula para sa kompetisyon sa Agora: Crossroads of Creativity, Culture and Ideas sa darating na Setyembre 28-29 sa SM San Jose Del Monte Bulacan.
Ang maikling dula ay buhat sa panulat ni Gerard Angelo Diana, isang mag-aaral ng MarSU BCAED at kasakuluyang pangulo ng organisasyong Litera Club. Tungkol sa batang si Rudolf na nagnanais na makapag-aral sa Maynila may pamagat na Hai’t Pain.
Ayon sa may-akda, “Sa paghahangad ng isang batang si Rudolf na maabot ang kanyang pangarap na makapag-aral, walang pagdadalawang isip niyang sinuong ang bawat oportunidad na maabot ang kanyang pangarap. Sa kasamaang palad, ang kanyang pangarap, kasabay ng kanyang kamusmusan ay naging kahinaan para siya ay mapagsamantalahan; hanggang sa ang pangarap niya ay nanatiling pangarap na lamang, kasabay ng paglaho niya sa kadilimang inakala niyang magandang kapalaran.“
Ang Agora ay inihahandog ng Philippine Cultural Education Program, tampok ang book launch, student-artists showcase, reading of kuwentong supling, Dularawan Festival at exhibit mula sa iba-ibang lokal na pamahalaan at mga paaralan sa mataas na antas. ### Randy T. Nobleza