Coffee art, tampok sa coffee festival sa SM City Cauayan

Coffee art, tampok sa coffee festival sa SM City Cauayan

Mga larawang kuha sa isinagawang coffee art sa SM City Cauayan. Kuha ni Mae Barangan

CAUAYAN CITY, Isabela– Gamit ang “instant coffee”, maayos na naipakita ng mga pintor ang kanilang talento sa pagtatapos ng coffee festival na ipinagdiriwang ng SM City Cauayan mula Hulyo 1-16, 2023.

Nilahukan ng mga miyembro ng Isabela Artist Circle sa pangunguna ni Michael R Castillo na siya ring nagtatag ng nasabing grupo.

Ayon kay Castillo, hindi pangkaraniwang ginagamit ang kape sa paggawa ng obra kaya’t nagsilbi itong hamon sa dalawampu’t dalawang pintor na lumahok.

Bilang pagkilala sa kanilang husay napili sina: Eric Ulep, Ronnie Flores, Richard Padam, Trisha Mae Jane Domingo at Tiny Reclusado na may magandang obra at nakatanggap ng PhP500.00 Gift Certificate. Lahat ng lumahok ay nabigyan ng Sertipiko ng Pagpapahalaga mula sa pamunuan ng SM City Cauayan at regalong bigay ng MX3 na nagkakahalaga ng PhP1500.00. 

Ayon kay Krystal Gayle Agbulig, ang Public Relations Manager, mula noong nagsimula ang coffee festival ay nagbigay ang pamunuan ng mall ng espasyo sa mga local coffee entrepreneurs. Ikinatuwa ng mga negosyante ang nasabing pribilehiyo dahil malaya nilang naibenta ang kanilang mga produkto na walang binayarang upa. Kapansin-pansin na dinumog ito ng mga mamimili lalo na ang mga coffee enthusiast.

Ayon kay Agbulig, bahagi ito ng pagtulong ng mall sa mga maliliit na negosyante sa probinsya.

Tuwing weekend ay mayroong isinagawang coffee beats kung saan ay may musikerong nagbibigay aliw sa mga mall goers.

Ang coffee festival ay isinagawa ng lahat ng SM Mall sa bansa.# Mae Barangan

Mae Barangan