Cayetano, Villanueva mariing kumokontra sa pagsasabatas ng e-sabong

Mariing sinusuportahan ni Dating House Speaker Alan Peter Cayetano noong Miyerkules ang pahayag ni House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva patungkol sa pagbabasura ng mga probisyong nagpapahintulot sa pagkakaroon ng online sabong sa bansa.

Ayon kay Cayetano, ang e-sabong ay nagpapalala lamang ng mga kasalukuyang problema sa lipunan at ekonomiya.

“The economy may rake in millions from e-sabong now, but at what cost? Many families will go bankrupt, and this will lead to a host of other problems,” ani Cayetano.

Nitong Lunes lamang ay unang inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang House Bill No. 10204 na magbibigay ng 25-taon na prangkisa sa Visayas Cockers Club, Inc. para makapagtayo ng mga off-site betting stations sa bansa.

Kapag naisabatas ang nasabing probisyon, ang Visayas Cockers Club Inc. ay magiging pangalawang licensed e-sabong operator na mayroong 25-taong prangkisa sa ating bansa.

Sinusundan nito ang Lucky 8 Star Quest, Inc. na nagkaroon ng aprubadong prangkisa kamakailan.

Ayon kay Villanueva, ang nasabing probisyon ay nakapipinsala sa lipunang Pilipino dahil sa mga negatibong epekto ng sugal sa bawat komunidad.

Inilista rin niya ang ilan sa mga epekto nito, katulad ng stress, kawalan ng oras para sa pamilya at pag-aaral, karagdagang pagkonsumo ng alak, pag-aaway sa mga relasyon, pagkaubos ng pera, at maging ang pagpapatiwakal.

Idinagdag pa ni Villanueva na hindi dapat payagan ng Kongreso na kumalat ang kasamaan ng pagsusugal, katulad ng e-sabong, sa pamamagitan ng pagiging “unregulated, unmonitored, and uncontrolled.” Ikinakatakot niya ang tuluyang pagkalat ng pagsusugal sa bawat tahanang Pilipino.

Ayon naman kay Cayetano, hindi mapapantayan ng kikitain ng gobyerno sa e-sabong ang masisirang kinakabukasan ng mga kabataan, pati na rin ang moralidad ng lipunang Pilipino.

“What our people need are jobs and livelihood opportunities, not encouragement to waste what little money they have left, fall into massive debts, and destroy their families,” ani niya.

Ginawang halimbawa ni Cayetano ang kaso ni Erick John Suelto, isang 19-taon gulang mag-aaral mula sa Maco, Davao de Oro na inaresto ng mga opisyal matapos hindi makapagbayad ng utang sa e-sabong na nagkakahalagang P561,000.

“Let’s not wait for more people to get addicted to gambling and fall into debt. Let’s protect our fellow Filipinos, especially our youth,” saad ni Cayetano.

PRESS RELEASE