Cayetano sisikaping magkaisa sa Executive sa layuning 10K Ayuda bago ang SONA

June 2, 2021 -Nanatiling positibo si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na makakaisa nito ang Executive Branch na maisakatuparan ang panukalang 10K Ayuda para sa bawat pamilya bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26.

Sa isang panayam sa media kasama ang kaniyang mga kaalyado sa Kongreso noong Hunyo 30, sinabi ni Cayetano na handa ang grupo na iprisinta ang mga impormasyong kanilang nakalap na magpapakitang epektibo ang pamimigay ng P10,000 na ayuda sa bawat pamilya sa gitna ng pandemya.

“Sana tama ang impormasyon ng Pangulo going to the SONA and that we reach a consensus. The President has to have the right information dahil baka hindi umaabot sa kanila na may ganoong pondo,” pahayag ni Cayetano.

Si Cayetano ang running mate ni Duterte noong 2016 national election.

Dati nang sinabi ng dating Speaker na may mga mapagkukunan ng pondo para sa P10,000 ayuda kada pamilya.

Kasama dito ang P207 bilyong “unobligated funds” at P400 bilyong naka-deklara sa book balance ng gobyerno noong Disyembre 21, 2020. Ang mga ito ay maaaring i-reprogram kagaya nang ginawa ng Kongreso sa Bayanihan 1.

“We will work with the government, not against it,” wika ni Cayetano.

Hinimok din ni Cayetano ang Kongreso na magsagawa ng pagdinig tungkol sa mga “unused fund” sa Bayanihan 2, tulad ng P18.4 bilyon na dapat ay para sa COVID-19 testing, contact-tracing, at mga

healthcare worker, pati na ang P23 bilyon na ginamit ng Malacañang sa pamimigay ng P1,000 sa bawat low-income earner.

“Pag-aralan natin ano ‘yung mga programa (sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2) na helpful para ulitin, ano ang mga hindi maganda para ‘di na ulitin, ano ‘yung hindi in-implement, at bakit hindi in-implement,” pahayag niya.

“I appeal to all our leaders to be very sober, but of course I appeal to the government to listen to the issues that are happening on the ground,” dagdag niya.###

PRESS RELEASE