Cayetano, muling nanawagan na i-veto ang Vape Bill
Muling iginiit ni Dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng pagbabasura ng Vaporized Nicotine Products Regulation Act or Vape Bill.
“Ang responsibilidad naman talaga ng gobyerno is to do good and prevent evil.
Basta may possibility ng addiction, mapa-alak man yan, sugal yan o sigarilyo, dapat nire-regulate yan ng gobyerno,” isinaad ni Cayetano noong Pebrero 3, 2022.
Ipinahayag ito ni Cayetano matapos purihin ng ilang mga doktor at consumer groups ang Kongreso sa kanilang pagpasa ng Vape Bill sa paniniwalang makatutulong ito sa 17 milyong Pilipino na naninigarilyo.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang pangangatwiran na makatutulong ang vape at e-cigarette sa pagtigil ng paninigarilyo. “Ang problema, kung ayun lang ang argument, bakit y’ung edad na 21, ibinaba nila sa 18?” ani Cayetano.
“So ibig sabihin, tina-target ng mga kumpanyang na gusto tayong maadik sa sigarilyo at nicotine yung mga bata. New wave o generation ito ng mga nicotine users,” dagdag niya.
Ikinababahala ni Cayetano ang pagbaba sa minimum age restriction ng pagbili ng mga vape products mula 21 na naging edad 18. Samakatuwid, maaaring makabili ng vape ang mga kabataan na makaaapekto sa kanilang kalusugan.
Binigyang diin din ni Cayetano ang mga pag-aaral tungkol sa epekto ng nicotine exposure sa mga kabataan. Sa mga pag-aaral na ito, lumalabas na nagkakaroon ng problema sa brain development ang mga kabataang nakalalanghap ng nicotine.
Ipinahayag din niya na dapat hindi sinusuportahan ng pamahalaan ang vape at e-cigarettes dahil sa malaking problemang idinudulot nito pagdating sa rehabilitation at recovery.
Sinabi ni Cayetano na mahigit-kumulang 59 medical associations sa buong bansa ang tumututol sa pagsasabatas ng Vape bill.
Muli rin niyang kinundena ang isang probisyon sa nasabing batas na naglilipat sa kapangyarihan ng regulation mula sa Food and Drugs Administration (FDA) patungo sa Department of Trade and Industry (DTI).
Binalaan ni Cayetano ang Kongreso na “magiging katawa-tawa” ang Pilipinas sa ibang mga bansang nagpapatibay sa mandato ng kanilang mga food and drugs administration.
“Y’un nga lang nilalagay sa ilong na COVID antigen tests e pinapa-approve pa sa FDA, tapos sisinghot tayo ng mga vape na ang mag-a-approve ay ang DTI,” sabi ni Cayetano.
“Sa America, more than 10,000 ang pinagbawal na vape flavors, so dapat FDA ang mag-regulate niyan,” dagdag niya.
Matagal nang tumututol ang dating House Speaker sa pagsasabatas ng Vape Bill, lalo na noong ipinasa ng bicameral conference committee ang kanilang bersyon ng batas nitong pagtapos ng Enero 2022.
Nananawagan si Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang nasabing bill dahil sa dalang “panganib” nito sa mga Pilipino.#####