Cayetano, isinulong ang amendments sa BCDA charter para sa ekonomiya ng bansa

Cayetano, isinulong ang amendments sa BCDA charter para sa ekonomiya ng bansa

Pinangunahan ni Senator Alan Peter Cayetano ang pagsusulong ng panukalang batas na naglalayong mas palakasin ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 2647 nitong April 30, 2024 upang palawagin at gawing kapaki-pakinabang ang mga military base sa bansa.

Nais amyendahan ni Cayetano, Chairperson ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises, ang ilang aspeto ng Bases Conversion and Development Act of 1992 at bigyang-pansin ang ilang limitasyon nito.

Inihanda at isinumite ang panukala kasabay ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation na pinamumunuan ni Senator Jinggoy Estrada, kasama si Senator Francis Tolentino bilang vice-chairperson.

Nais nitong palawigin ang operasyon ng korporasyon ng BCDA ng karagdagang 50 taon; pataasin ang authorized capital stock nito mula P100 bilyon hanggang P200 bilyon; ideklara ang ilang porsyento ng kabuuang lupaing saklaw ng bawat BCDA economic zone bilang alienable at disposable na maaaring ipagbili para sa residential use, mixed use, at industrial at institutional purposes; at ipamahagi ang ilang net proceeds mula sa benta ng lupa sa AFP Pension Fund.

โ€œSince its establishment, the BCDA has been a stalwart in driving new investments and realizing master plans for cities and economic zones,โ€ wika ni Cayetano.

Binanggit din niya ang mga matagumpay na proyekto ng BCDA tulad ng Bonifacio Global City (BGC), Clark International Airport, at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).

Aniya, mahalaga sa pagpapanatili ng kumpiyansa ng mga investors at pagpapabilis sa pagpapatupad ng mga pangmatagalang proyekto sa imprastruktura sa loob ng mga BCDA economic zones ang mga inihain na amendasyon.

Noong nakaraang taon, hiniling ng mga opisyal ng BCDA ang suporta ng Senado, lalo na ni Cayetano, para sa mga kinakailangang amendments sa BCDA charter.

“BCDA’s contribution to the country has just started. With more challenges and opportunities, BCDA needs its charter to keep up with the needs of the country,” wika ni BCDA President and Chief Executive Officer Joshua “Jake” Bingcang noong September 21, 2023.

Matatandaan na noong 2019, nakatrabaho ni Cayetano ang BCDA nang mamuno siya sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pagdaraos ng 30th Southeast Asian Games sa bansa.

โ€œNaranasan ko po nang personal na makatrabaho ang BCDA at tiwalang-tiwala ako sa kanilang kakayahan,โ€ aniya.

Ang pag-amyenda sa BCDA charter ay nakatakdang talakayin sa kasalukuyang sesyon ng Senado. Sa suporta ng mga development corporations at ng mga pangunahing ahensya tulad ng Department of Science and Technology (DOST) at University of the Philippines (UP), inaasahang magbibigay ito ng malaking ambag sa pag-unlad ng bansa. ### (PR)

PRESS RELEASE