Cayetano, ipinagdiwang ang Eid al-Adha kasama ang mga Muslim; 10K Ayuda, umabot sa 6,309 ang benepisyaryo
Ipinagdiwang ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano noong Martes ang Eid al-Adha kasama ang mga Muslim na komunidad mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa Eid al-Adha Edition ng programang Sampung Libong Pag-asa, kung saan 465 benepisyaryo ang nakatanggap ng 10K Ayuda.
Dahil dito ay umabot na sa 6,309 benepisyaryo ang nakatanggap ng 10K Ayuda mula kay Cayetano.
“If there is one special occasion na we can start looking at things we can agree on, ito y’un,” sabi ni Cayetano sa programa noong Hulyo 20.
“Today, in our small way, magkakaisa tayong Muslim at Kristiyano at hahanap tayo ng halos 500 na matutulungan through Sampung Libong Pag-asa and God willing, we can show the world that in the Philippines, iba-iba man ang ating paniniwala, lahat tayo we know how to honor God and love each other,” dagdag niya.
Sa 465 benepisyaryo, 350 ang napili sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ng Barangay Maharlika sa Lungsod ng Taguig, Lungsod ng Zamboanga, Lungsod ng Pagadian, Lungsod ng Cagayan de Oro, Probinsya ng Cotabato, at Lungsod ng Maynila.
Isang-daan (100) benepisyaryo naman ay nagmula sa audience ng programa na ipinalabas sa opisyal na Facebook page ni Cayetano, habang 15 benepisyaryo ang personal na pinili ni Cayetano sa programa.
“Sana sa araw na ito na Feast of the Sacrifice, magawa rin natin y’ung sakripisyo na talagang tumulong,” wika ni Cayetano.
Pinangunahan ni Cayetano, kanyang asawa at Taguig 2nd District Rep. Maria Laarni “Lani” Cayetano, at Konsehal ng Lungsod ng Taguig na si Yasser Pangandaman ang programa noong Martes.
Sinamahan sila nina Barangay Maharlika Chairperson Hareem P. Pautin, Zamboanga City Mayor Maria Isabelle “Beng” Climaco, Pagadian City Mayor Samuel “Sammy” Co, Pagadian City Councilor Tyra Co,
Cagayan de Oro City ABC President Alam Lim, Barangay 17 Chairperson Goldman “Bingo” Ebabacol from Cagayan de Oro City, Cotabato Provincial Governor Nancy Catamco, Cotabato Liga ng Barangay President Dulia Sultan, Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at Manila Muslim Affairs Head Shey Shakuran Mohammad.
Nagsimula ang programang Sampung Libong Pag-Asa noong Mayo Uno. Bunga ito ng panukalang economic recovery plan ni Cayetano na naglalayong mamahagi ng ayuda sa bawat pamilyang Pilipino upang mabili nila ang kanilang mga batayang pangangailangan at buhayin muli ang kanilang mga hanapbuhay sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.
Lampas 5,000 na ang bilang ng mga benepisyaryo na nakatanggap ng ayuda mula sa programa. Marami sa kanila ay ginamit ang salapi upang maibangon muli ang kanilang mga negosyo.###