Cayetano, DSWD magkasanggang naghatid ng tulong sa mga “individuals in crisis” sa NCR
Muling nakipagtulungan sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maghatid ng tulong sa mahigit 1,700 Pilipinong “nasa crisis situations” sa Metro Manila.
Bumisita sa mga Lungsod ng Marikina, Quezon, at Parañaque ang Bayanihan Caravan noong Oktubre 16, 17, at 19, 2023 para mamahagi ng tulong sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations ng DSWD.
Ang AICS ay may layuning matulungan ang mga Pilipinong humaharap sa matinding dagok sa buhay na matugunan ang kanilang pangangailangang pinansyal, medikal, pampalibing sa yumaong kaanak, pang-edukasyon, o sa pagkain.
Bukod sa AICS, naghatid din ng tulong-medikal sa mga benepisyaryo ang Bayanihan Caravan team sa pamamagitan ng mga guarantee letter. Ginagamit ito sa mga piling government hospital bilang anyo ng pambayad sa mga medical procedure, gamot, o bayarin sa ospital.
May kabuuang 500 micro-entrepreneur, atleta at coach, at mga bike rider sa Barangay Tumana, Marikina ang nakatanggap ng tulong sa unang araw ng aktibidad, October 16, na isinagawa sa pakikipag-ugnayan kay Barangay Captain Ziffred Ancheta.
Kinabukasan, October 17, naghatid ng tulong sa 750 residente ng Quezon City na kabilang sa “Presyo Trabaho Kita/Kaayusan” (PTK) community ang Bayanihan Caravan sa pakikipagtulungan ni Kapitan Carl Lipnica ng Barangay Pinyahan.
Ang programang PTK ni Senator Alan, na nagsimula noong 2013, ay nagbibigay ng kapital sa mga sektoral na kooperatiba para makapagtatag ng kani-kanilang loan program, kung saan nakakautang ng puhunan ang kanilang miyembro sa mababang interes. Kabilang sa mga benepisyaryo nito ay mga magsasaka, mga public transport worker, mga stay-at-home mother, at kabataan.
“Makakatulong itong financial assistance na natanggap ko sa transportation ko bilang isang empleyado,” ani Jona Lacandazo, isa sa mga benepisyaryo, kasabay ang pasasalamat sa magkapatid na senador.
Pagbabahagi naman ni Princess Acedera, isa pang benepisyaryo, gagamitin niya ang natanggap niyang tulong para sa kanyang tuition at gamit sa paaralan.
Sa huling araw ng aktibidad, October 19, may kabuuang 500 piling micro-entrepreneur sa Parañaque ang nakatanggap ng tulong mula sa Bayanihan Caravan team.
Ang pamamahagi ay magatumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan kina dating Barangay BF Homes Captain Jeremy Marquez, kasama sina Kagawad Cielo Lazatin, Cielo Lazatin, Mariel Tumang, Jonathan Espino, Twinkle Andolong, Sheryl Ortinio Gonzales, at Maggie Omega.
“Kami po at ang 500 beneficiaries ay taus-pusong nagpapasalamat sa napakagandang tulong. Kahit natapos ang pandemya, kitang-kita po namin ang ginagawang magandang trabaho ni Senator (Alan Peter Cayetano),” ani Marquez, na dumalo rin sa aktibidad.### (PR / File Photos)