Cayetano, binigyang diin ang potensyal ng college graduates para sa positibong pagbabago
Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes ang mga graduate ng Technical University of the Philippines (TUP) Manila na kilalanin at gamitin ang kanilang potensyal upang makapag-ambag sa makabuluhang pagbabago.
Sa kanyang commencement speech nitong August 27, 2024, ikinuwento ni Cayetano kung paano nakita ng kanyang ama, ang yumaong senador na si Rene “Compañero” Cayetano, ang hindi pa nagamit na potensyal ng Taguig City noong 1984 sa isang campaign trip sa buong Taguig, Pateros, at Muntinlupa.
Sinabi niya na naobserbahan ng kanyang ama ang isang mahirap na lugar na may malawak na tanawin ng Laguna Lake at kinilala ang halaga nito sa hinaharap.
“When he got to the top of the hill, nakita niya ang potential ng lugar kasi ang ganda at kita ang buong Laguna Lake. A year later, may lumapit sa kanya sabi, ‘Rene, baka gusto mo bilhin.’ And they sold it to him at P200 per square meter,” kwento ni Senador Alan.
Aniya, ang lugar na ito ay kung saan siya lumaki at nakatira hanggang ngayon kasama ang kanyang asawang si Taguig City Mayor Lani Cayetano.
“The point I’m saying is that sa ibang tao, hindi nila napansin ang lupa na iyon pero ang dad ko nung nakita ang Laguna Lake, nakita niya ang potential,” paliwanag niya.
Ibinahagi rin ni Cayetano kung paano niya nakita ang potensyal ng Taguig noong ito ay higit na kilala sa pagbaha noong 1990s.
“Somehow God put in my mind na may potential ang Taguig. Noong 1993, tiningnan ni Pangulong (Fidel) Ramos ang Camp Fort Bonifacio at sinabing, ‘May potential ito’. Kaya nung 2000 na may gustong magtayo ng sugalan, kaming mga taga Taguig, nag rally kami. Dahil may vision kami para sa Fort Bonifacio, ipinaglaban namin ang kanyang potential,” ibinahagi niya.
Sa mga personal na kwentong ito, binigyang inspirasyon ni Cayetano ang mga mag-aaral ng TUP na yakapin ang kanilang potensyal at vision.
“Kayo bilang graduates ng isa sa mga tanyag na unibersidad at pinag-aagawan ng mga employer, grabe ang inyong potential. Ngunit kailangan mong makita ito. Walang potential kung walang vision,” aniya.
Binigyang diin din niya ang papel ng mga educator at mga magulang sa paglikha ng isang kapaligirang makatutulong sa kanilang tagumpay.
“Trabaho ng parents at professors na ilagay kayo sa tamang environment. Lahat tayo ay ginawang kakaiba. May plano ang Panginoon sa bawat isa. Ang bawat isa sa atin ay ginawa bilang sagot sa isang problema,” aniya.
Bilang pagtatapos, ipinahayag ni Cayetano ang pagmamalaki sa mga nagsipagtapos at ang kanyang optimismo para sa kanilang kinabukasan.
“Graduates, we’re proud of you. Looking at you, [alam natin na] grabe ang potential ng ating bansa,” sabi niya. ### (PR)