Bambanti Street Dance Parade, isinagawa ng Cauayan City, Reina Mercedes at Angadanan sa SM City Cauayan
Mga performers mula sa Bayan ng Angadanan (puting costume); Cauayan City (green); at Reina Marcedez. Larawang kuha ni Mae Barangan
SAN MATEO, Isabela – Nagdagsaan ang mga mall-goers para saksihan ang muling pagpapakitang gilas ng tatlong bayan ng Isabela partikular ang Cauayan City, Reina Mercedes, at Angadanan sa isinagawang Bambanti Street Dance Parade sa SM City Cauayan, Enero 28, 2024.
Ayon kay Ms. Gayle Agbulig, ang public relations manager ng SM City Cauayan, ang nasabing aktibidad ay taunang isinasagawa bilang pagpapakita ng suporta sa Bambanti Festival. Bagaman tatlong bayan lamang ang nag-perform, isa pa na rin umano itong magandang paraan ng mall para tulungan ang sangay ng turismo sa pagpapalaganap ng mayamang kultura ng Probinsya ng Isabela.
Maalala na matagumpay na naisagawa ang Street Dance and Festival Showdown noong Enero 27 sa Isabela Sports Complex bilang isa sa mga pinakaaabangang aktibidad sa Bambanti Festival 2024 na may temang “Ettam ngana ta Isabela”. Nilahukan ito ang tatlong siyudad at 13 bayan ng probinsya.
Ang Bambanti Festival 2024 ay ipinagdiriwang mula Enero 22 hanggang 27.# Mae Barangan