Bahagyang pagtaas ng turismo sa Sagada, naramdaman na – Mayor Dula
Sagada, Mt. Province – Nasaksihan ng ilang local media ang unti-unting pagdagsa ng mga turista matapos maimbita kami ni Sagada Mayor Felicito O. Dula kaugnay sa pagdiriwang ng 1st Indigenous Peoples Day noong October 28, 2022.
Matatandaan noong nagpatawag ng press conference si Dula noong August 9, 2022 sa Baguio City ay idinulog nito ang kanilang problema kung paano nila anya maibabalik ang sigla ng turismo sa Sagada.
Inamin nito na bagsak ang turismo sa kanilang bayan dahil sa dalawang taon na lockdown dulot ng COVID-19.
Dahil sa first termer nito na umupong mayor ay pinag-aralan at pinagtulungan kasama ng kanyang mga officials na gumawa ng paraan para manumbalik at mapasigla ang turismo, dahil dito ay unti-unti nila ginawa ang pag lift ng ilang protocols at ang pagsuspinde ng management fee para makagaan ng gastos sa mga turista.
At ngayon, makikita nagkaroon na ng katuparan at nagbunga ang kanilang pagsisikap dahil mula noong January hanggang October ngayon taon ay umabot na sa bilang na mahigit 39,000 na turista ang naitala sa Tourism Information office, at ito ay posibleng tumaas pa dahil halos lahat na ng tourist spot sa Sagada ay bukas na at pwede ng pasyalan.
Tulad ng Eco-Valley, Marlboro Blue, Blue Soil, Hanging coffins, Bomod-ok Falls, Sunrise, Sumaguing Cave, Lumiang Cave, Pongas Falls, at Lake Danum.
Maliban dito ay nagdagdag pa sila ng Tourism Information Office sa Southern Barangay sa Suyo upang maging katuwang rin sa pagpapatakbo ng turismo at nagtayo rin sila ng Southern Sagada Nature Treat, Tour and Adventure para sa mga mahilig sa hiking, spelungking, river tracing, bonfire at night jam na ito ay isang pasyalan sa Kamanwigit Eco-Park na maituturing rin na Sagada Nature Camp at Christmas Village.
Sinabi ni Mayor Dula, “”Napagpasyahan namin pagaanin ang mga paghihigpit dahil pinipigilan nila ang mga turista na ilagay kami sa kanilang listahan ng mga lugar na bibisitahin at kailangan namin kumilos dahil ang turismo ang pangunahing kabuhayan ng mga tao dito sa amin kaya ang pagpapahirap sa mga turista na makapasok sa amin bayan ay magiging mahirap din para amin na makabangon mula sa pagkalugi sa pananalapi na nagresulta mula sa mga lockdown,”
Ayon sa survey noong 2021, ang Sagada ay nasa bilang na populasyon na 12,100 na nakikibahagi sa turismo kaugnay sa kanilang pangkabuhayan,” dagdag ni Dula.
Nakapanayam rin ang ilang turista na mula pa sa ibang bansa, anya napakaganda ang isinasagawang tradisyon at kultura ng mga katutubo at ang mabuting pakikitungo sa kanila ay nagustuhan rin nila tulad ng pag guide sa mga tourist spot, ngunit dahil sa hindi maganda ang panahon dahilan sa bagyong “Paeng” ay sa mga indoor place lang muna sila na nanonood ng mga programa at Indigenous games.
Samantala, naging panauhin pandangal sina Supervising Tourism DOT-CAR Sylvia Chinayog na kumatawan kay DOT-CAR Regional Director Jovy Ganongan at si Atty. Cyphrine Dalog – Chief of Staff, Office of the Congressman Maximo Y. Dalog.
Na kung saan ay buong sumusuporta sa mga plano at hangarin ng mga opisyal upang mas lalong mapataas pa ang turismo sa bayan ng Sagada. # Mario Oclaman //FNS